Publisher's Note

  • Publisher’s Note

    It was 22 years ago when I arrived in Canada and chose Calgary, Alberta to be my home.  Leaving my family and friends behind, it was a new adventure for me to be in a new country without knowing anyone.  That was the time I looked for a Filipino community paper and never found any, [...]

    Read full post »


Visitors to Pinoytimes

Start of StatCounter Code End of StatCounter Code





Page added on August 15, 2009

Email this to a friendEmail This Post Email This Post                      Printable versionPrint This Post Print This Post

ANG PANANALIG

ni Roger Encarnacion

__________________________________

Ilang gabi nang pinupuyat ako ng pagkawala sa sarili ni Belen. Natatakot ako sa minsang biglang dating ng kislap ng hiwaga sa kanyang mga mata. Kinikilabutan ako sa pag-ikot ng itim niyon, ang nunukal na biglang kislap ng sindak at tuwa at lagim.

Ang nakikita ko’y isang latag na pangarap ng pusong tila walang kamatayan. Ang nadarama ko’y mga patak ng luha sa marmol na libingan ng isang pag-asa. Ang naririnig ko’y mga hikbi ng pusong nasasabik sa luwalhati ng umagang daratal. At ngayon, ang katauhan ko’y sumisigaw ng pagtutol sa lagim na buong lupit na gumigiyagis sa aking kaluluwa.

“Nakikita ko siya, Tes, ang aking anak. Maganda siya, nakangiti siya, Tes, kumakaway siya, nagbubunyi ang lahat, at siya ang pinapalakpakan… nakikita mo siya? Gusto ko siyang yakapin; hindi rin ako bigo, hindi ba, Tes?”

Tuwid na tuwid ang yayat na katawang nakalatag sa marumi at babahagya nang natatanlawang higaan. Ang tumaas-bumabang dibdib ay humahabol sa masikip na paghingang may kasamang daing. Ngunit si Belen sa tingin ko’y may bagu’t bagong lakas. At lakas na mahiwaga. Iyon kaya’y pahiwatig ng nalalapit na wakas?

“Malapit na Tes, darating na siya, at siya’y isa nang ganap na guro. Pagkatapos ng lahat…” At narinig ko ang isang tuyot na halakhak. “Natupad ko rin ang aking pangarap sa kanya. Hindi mo ba ako babatiin Tes, ha Tes?”

Napakaganda ng hiwaga ng kislap sa mga mata ni Belen. “Tumahimik ka Belen,” anas ko, “matulog ka Belen…”

Malapit nang ibig magiwak ng aking pagtitimpi. “Hibang ka Belen,” sa dibdib ko’y nais kumawala niyon. Ngunit wala akong lakas upang wasakin ang magandang daigdig na nasa mga mata ng maysakit.

Paano ko masasabi, “Nakita ko ang taliwas na anyo ng iyong pag-asa. Mahirap ang manangan sa salita lamang. Nadarama mong natupad ang iyong pangarap ngunit nakakubli ang lahat sa pagkukunwari.”

“Tes, apat na taon na. Mahirap ang maghintay subalit natiis ko, natagalan ko, kahit na napawalay siya sa akin. Mabigat ang dinala kong pananagutan pero kinaya ko iyon dahil ibig kong makapagtapos siya. Apat na taon na, Tes, at mamaya’y narito na siya, tapos na siya, isa na siyang maestra…”

Maraming mga bagay ang nagagawa ng mga taon, lalo’t sa sariwang katawang uhaw sa malayang kiwal ng buhay, lalo’t sa isang marangyang paligid na nasasabugan ng tukso, ng lalang at balatkayo, ng tuwa at laya at lagim. Maraming bagay ang siyudad na nakapagpapalimot at nakapagpapalakas ng pintig ng puso.

Tes, si Christine ko ay marunong, natatandaan mo, at hindi siya mabibigo. Maaaring baliw ako sa aking pangarap sa kanya. Katawatawa, hindi ba, kaylayo ng mga bituin sa amin. Isipin mo, isang hamak na katulong lamang at naghahangad na makapagtaguyod ng isang anak. Pero maraming bagay ang nagagawa ng pagtitiis.”

Si Christine ay marupok, paano ko masasabi? Nadarang siya sa apoy na nakatutukso. At tinupok ng apoy na iyon ang iyong pangarap. At siya ay naging layak na naiwan sa gitna ng dilim.

“Natatandaan mo Tes…” may panibagong sigla ngayon ang liwanag na nagmumula sa nakalubog na mata ng nakaratay. Nakatutok iyon sa malayo na waring hinahagilap sa karimlan ang saya ng nagdaang panahon. Sa masid ko, si Belen ay buhay na buhay sa kanyang malayong daigdig.

“Natatandaan mo, Tes, ang isang gabing tulad nito, masaya, maliwanag. Si Christine ay sinasabitan ko noon ng medalya sa kanyang kaliwang dibdib. Hindi mo batid kung gaano katimyas ang alaalang iyon sa akin, hindi mo mababatid kailanman. Nang magsalita siya, Tes, at magbunyi ang mga nanunuod, umapaw sa dibdib ko ang pagmamalaki. Nang ipatungkol niya sa akin ang kanyang tinamong tagumpay, hindi sapat ang manatiling naliligayahan lamang ako. Napaluha ako, Tes, napaluha ako!”

“Tumahimik ka, Belen, tumahimik ka…” Nais kong sansalain ang sumunong kilabot sa buo kong katawan.

Paano ko masasabi, “Matagal kang nalinlang ng iyong anak. Ang apat na taon mong pagpapagod ay walang silbi. Baliw ka, Belen.” ‘Kailangan ko ‘nay ng pera para sa aking matrikula; ‘nay, luma na ang aking damit at sapatos; wala na akong panahong makauwi sa atin…’ Mga kasinungalingan. Bakit hindi niya sabihin, “Bigo ka, ‘nay, sa iyong pangarap para sa akin; nagkasala ako sa iyo, nakalimot ako. Iniwan ako ng lalaking akala ko’y siya kong langit. Naging sinungaling ako sa iyo sapagkat hindi ko ibig mabuwag ang magandang pangarap mo para sa akin, dahil sa mahal kita.”

“Nakatutuwa ang mumunting pangarap niya, Tes. Nakagagaan ng puso. Ina lamang ako para di matinag sa mga musmos na pangaraping iyon. ‘Kapag ako’y isang maestra na,’ sasabihin niya, ‘hindi na kayo gagawa, ‘nay. Dahil sa tayo’y dalawa na lamang, ang maliit na bahay na ito’y ipaaayos natin nang ayon sa gusto ninyo. At sapagkat alam kong hilig ninyo ang mga bulaklak, mag-aalaga ako sa harapan natin ng mga halamang namumulaklak. Hindi ako makalilimot sa inyo sapagkat malayo pa sa loob ko ang pagsasarili…’”

“Magpahinga ka, Belen.”

“Alam mo, Tes, nang mga sandaling iyon, naragdagan ang paghahangad kong mapag-aral siya. Mahal ko siya kaya hindi ko halos naramdaman ang hirap at pangungulila. Ngunit may mga gabing pinupukaw ako ng pananabik, ang minsa’y makasalo siya, makapiling siya sa paghiga, ang marinig ang masaya niyang pagkukuwento sa akin, ang makatinag-kaluluwang pag-aalaala niya sa akin. Hindi ko alam, napabayaan ko na pala’ng sarili ko: maghapong paggawa, matinding pangungulila, matatamis at malalagim na alalahanin.

“Minsa’y nagising akong yakap ko ang unan. Umiiyak ako. Sabik ako sa kanya. Siya na lamang ang nalalabing yaman ko sa buhay na ito… At pagkatapos ng lahat, pagkatapos ng apat na taong hirap at pangarap, darating na rin siya at ihahandog niya sa akin ang kanyang nakamit…Tes, masasaksihan mo mamaya ang kahulugan ng pagpapakasakit ng isang ina.”

Ibig kong tumutol sa magandang daigdig na iyon ni Belen. “Nahihibang ka, Belen.”

Paano ko masasabi, kahapon ay natanggap ko ang sulat ni Christine. Uuwi siya kahit na siya bigo. Isang alaala sa gabi ng pagtatapos ang ihahandog niya: siya at ang kanyang pagsisisi. “Tanggapin kaya niya ako?” Nadarama ko ang pait na taglay ng liham na iyon. Damang-dama ko.

Sana’y naipagtapat ko na kay Belen ang lahat, ang pagkalihis ng landas ni Christine, ang pagkabigo ng pangarap niya para kay Christine. Ngunit nawalan ako ng lakas ng loob. Tanging nasabi ko’y darating siya. At sinansala niya agad ako. At ang iba ko pang sasabihin ay nalunod na lamang sa aking lalamunan.

“Darating siya, Tes, oo, kahit hindi mo sabihin sa akin. Alam ko, alam na alam ko. Ngayong gabi’y muli akong ganap na liligaya. Huwag kang umalis, Tes, hintayin mo ang pagdating niya, batiin mo siya…”

At tuluyan nang namatay sa dibdib ko ang udyok na pukawin ang kanyang kahibangan.

“Matulog ka, Belen.”

“Darating siya, Tes, at ayaw kong madatnan niyang natutulog ako. Ibig kong makita niyang gising ako. Maayos ba ang buhok ko, handa na ba ang mga pagkain? Bakit kaya wala pa siya hanggang ngayon?”

“Matulog ka, Belen.”

Nag-iibayo ang lagim sa mga mata ni Belen, unti-unting pinapanawan ng kislap, tila isang munting ningas na kukurap-kurap sa dapyo ng pabukso-buksong hangin. Ang kaba ng dibdib ko’y abut-abot. Alam ko, malapit na ang wakas.

“Hindi ba nangako siyang darating? Taglay niya ang tagumpay, tanging handog para sa akin. Sayang at hindi ako nakadalo sa kanyang pagtatapos. Sana ay nakita ko siya sa kasuotan niyang itim at bumibigkas ng talumpati at pinapalakpakan ng buong daigdig. Sana ay nakita ng lahat kung paano ko siya yayakapin. At isipin na lamang, ako ang kanyang ina, ina ng isang nagtagumpay na anak. Gaanong galak, Tes, ang iyong madarama, gaano…?

“Anong oras na, Tes? Malapit na siya, nariyan na siya. Salubungin mo, Tes, akayin mo…”

“Nahihibang ka, Belen.”

“Lumalabo ang aking paningin, ano’ng nangyayari sa akin? Mga yabag… nariyan na siya, salubungin mo siya, Tes… Buksan mo ang pinto. Sabihin mong naghihintay ako…”

Unti-unti, napikit ang matang hanggang sa huling sandali’y napupuspos pa rin ng pag-asa. Sa nakasalalak na ilang butil na luha sa mata ni Belen at sa bahagyang ngiting nakaguhit sa gilid ng kanyang mga labi, nasinag ko ang busilak na pananalig na tinaglay niya hanggang kamatayan: na hindi siya bigo at natupad ang kanyang tanging pangarap.

Ngunit sa ubod ng aking puso ay nakapaniin ang kilabot ng matinding pagkahabag. Ayaw kong damhin ang naglalatang na daluyong sa aking dibdib. Ngayon lamang, naramdaman ko, ngayon lamang nabasag ang ilang bubog sa mga mata ko.

________________________________________

Ang maikling kuwentong ito ay unang nalathala sa Kabitenyo Magazine sa ilalim ng balat-kayong ngalan ng may-akda.

Anumang kumentaryo tungkol sa lathalaing ito ay maaaring ipadala sa [email protected]. Salamat po.









RELATED STORIES

  • No Related Post


LATEST HEADLINES

COMMUNITY NEWS

A new way forward for some immigration application processing times thumbnail A new way forward for some immigration application processing times
Calgary Stampede 2018 Poster thumbnail Calgary Stampede 2018 Poster
Alberta celebrates first Philippine Heritage Month thumbnail Alberta celebrates first Philippine Heritage Month
UPAAA Welcomes New Philippine Consul General thumbnail UPAAA Welcomes New Philippine Consul General

PINOY STORIES

Duterte signs National ID System Act thumbnail Duterte signs National ID System Act

HAVE YOUR SAY

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.

PROMOTIONAL BLOCK

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.

TRAVEL NEWS



PINOY TOONS


Tags