Publisher's Note

  • Publisher’s Note

    It was 22 years ago when I arrived in Canada and chose Calgary, Alberta to be my home.  Leaving my family and friends behind, it was a new adventure for me to be in a new country without knowing anyone.  That was the time I looked for a Filipino community paper and never found any, [...]

    Read full post »


Visitors to Pinoytimes

Start of StatCounter Code End of StatCounter Code





Page added on November 22, 2009

Email this to a friendEmail This Post Email This Post                      Printable versionPrint This Post Print This Post

ANG PINAKAMAHALAGANG HANDOG

ni  Roger Encarnacion

(Unang nalathala sa Calgary Filipino Lions News Magazine, ang sanaysay na ito ay iniaalay ng may-akda sa mga mapagkawang-gawang kasapi ng Samahang Lions sa Calgary.)

______________________________________________

Ang mata raw ng tao ay durungawan ng kaluluwa. Walang lihim na saloobin na hindi ipagkakanulo ng ating mga mata. Kung nakikipag-usap tayo ay mapapansing nakatuon ang ating paningin sa mata ng ating kausap na tila sinasalamin doon ang katapatan ng kanyang mga sinasabi. Kung maligaya ang isang tao, sinasabi nating may kislap ng ligaya ang kanyang mga mata. Kung siya’y nalulungkot, sinasabi nating may nakalambong na dilim sa kanyang mga mata.

Anupa’t ang lahat ng damdaming nararanasan ng tao ay buong kataimtimang nailalarawan ng ating mga mata. Ito rin ang nagsasabi kung may karamdaman ang isang tao, kung siya’y malusog, kung siya’y may binusilak na puso, kung siya’y nasa rurok ng kaluwalhatian, kung siya’y naninimdim.

Ngunit paano kung tumakas na ang ilaw ng ating mga mata? Paano kung hindi na natin mabanaag ang luntiang halaman, ang bughaw na langit, ang malamlam na sinag ng buwan, ang ginintuang silahis ng takip-silim, ang ngiti sa labi ng ating minamahal, ang kagandahan ng daigdig?

Mawawaglit na rin ang katuturan ng buhay, ang tanging inspirasyong gumigising sa atin sa umaga upang salubungin ang biyaya ng isang maghapon.

Upang ating lubusang maunawaan ang katayuan ng isang taong hindi makakita, ipikit natin pansamantala ang ating mga mata at gampanan ang isa sa mahalagang bagay na ginagawa natin araw-araw, halimbawa’y ang kumain. Magagawa kaya natin ito nang walang pangambang may kakatwang pangyayaring magaganap

Lumabas tayo ng bahay. Balakin nating mag-grocery sa Superstore o mag-shopping sa mall. Magagawa kaya natin?

Dumalo tayo sa isang sayawan at balaking magsayaw, Walang problema! Pero, hindi ba mukhang kakatwa ang pakiramdam natin? Nagsasayaw tayo nang walang nakikitang kapareha?

Para na ring nawalan ng katuturan ang buhay kapag nawala ang ating paningin. Mawawaglit pati ang ating kalayaan, ang mataas na pagpapahalaga sa ating kakayahan, ang pagpupunyaging magtagumpay.

At isipin natin, marahil ay makasampung ulit ang kapaitang nasa dibdib ng taong nakakaranas ng ganitong pighati kung siya’y isinilang na mahirap lamang at walang masasandigan liban sa pagkalinga ng kanyang mga minamahal sa buhay.

At sa ganitong pagkakataon, lumikha tayo ng isang tanawin at magkuro ng ganito: Paano kung may biglang kumatok sa ating pinto at magsabing makakakita tayong muli? Gaanong galak ang sasapuso natin? Gaanong ligaya ang titigib sa ating kaluluwa?

Ito ang tanawing maraming ulit nang naganap at patuloy pa ring nagaganap sa mga siyudad, bayan-bayanan, at liblib na pook ng mahihirap na bansa sa buong daigdig, tanawing bagama’t nasa isip lamang ng mga kasapi ng Samahang Lions sa Calgary ay nagdudulot naman ng tuwa at kagalakan sa kanilang dibdib.

Hindi lamang yaong tinakasan ng ilaw ang mga mata ang itinataguyod ng Eyesight Conservation ng Samahang Lions. Ang mga taong walang sapat na kakayahang bumili ng salamin sa mata ay tinutulungan din ng samahang ito upang sila’y makakitang muli. Ang mga lumang salaming nakakalap sa buong Canada at Amerika ay ipinapadala ng Samahang Lions sa mga pamahagihang pook ng mga mahihirap na bansa upang magbigay ng pinakamahalagang handog sa buhay ng tao.

Ang ganitong pagtulong ang bumubuhay sa diwang itinataguyod ng Samahang Lions at isa sa mga dahilan kung bakit nararapat na bigyan ng karampatang pagpupugay ang samahang ito ng bawat Pilipinong naninirahan sa Calgary. Ang layunin ay upang kanilang pagtibayin pang lalo ang mga pangako, bumuhay ng mga pag-asa, sumuri ng bawat pagtatagumpay, at magparating ng pasasalamat sa lahat ng nagkaloob ng kanilang tulong para sa ikagagaling ng buong sandaigdigan.









RELATED STORIES

  • No Related Post


LATEST HEADLINES

COMMUNITY NEWS

A new way forward for some immigration application processing times thumbnail A new way forward for some immigration application processing times
Calgary Stampede 2018 Poster thumbnail Calgary Stampede 2018 Poster
Alberta celebrates first Philippine Heritage Month thumbnail Alberta celebrates first Philippine Heritage Month
UPAAA Welcomes New Philippine Consul General thumbnail UPAAA Welcomes New Philippine Consul General

PINOY STORIES

Duterte signs National ID System Act thumbnail Duterte signs National ID System Act

HAVE YOUR SAY

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.

PROMOTIONAL BLOCK

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.

TRAVEL NEWS



PINOY TOONS


Tags