- pinoytimes.ca - https://pinoytimes.ca -
“ANG DIWA NG PASKO”
Posted By aldrin On December 29, 2009 @ 3:24 am In Maikling Kwento | No Comments
Mula sa Panulat ni …..LOLA PANCHANG
“ANG DIWA NG PASKO”
Ang Pasko ay araw, Panginoong Hesus isinilang,
Disyembre beintesingko, buong mundo’y nagdiriwang;
Kahit anong relihiyon, lahat ay nagpupugay,
Nagbibigay galang, sa Lumikha nating mahal.
Tradisyon ng mga Pinoy, tuwing kapaskuhan,
Simbang-gabi idinaraos, sa madaling araw;
Sama-samang nag-aalay, hanggang mag bukang-liwayway,
Tapos pagsasaluhan, bibingka at suman.
Kahit tayo’y naghihirap, pilit pa ring idinaraos,
Noche-buena sa hapag, kahit kakarampot;
Ang mahalaga’y magkakasama, kahit naghihikahos,
Patuloy lang tayong umasa, Diyos ay hindi natutulog.
Sa mga bata ang Pasko’y, tungkol lamang sa regalo,
Ninong at Ninang dinadalaw, para makapag mano;
Nakatutuwang pagmasdan,damit-sapatos ay bago,
Masasayang uuwi ng bahay, na ma’y iba’t ibang kwento.
Huwag din natin kalimutan, maari tayong magbigay,
Sa kapwa ng regalo, kahit hindi materyal;
Kagandahan ng loob, at kabutihang asal,
Hindi kayang pantayan, ng ano pa mang bagay.
Ang diwa ng Pasko’y, para sa sanlibutan,
Magbigayan, magpatawad, alitan ay kalimutan;
Kung tayo sanang lahat, ay magkakaunawaan,
Walang gulo, walang giyera, sa atin ay mamamagitan…
Maligayang Pasko po, mga kababayan,
Bati ko sa lahat, ng Filipino-Calgarian;
Marami pong salamat, sa inyong pagsubaybay,
Sa buwanang issue , nitong Pinoy Times.
Article printed from pinoytimes.ca: https://pinoytimes.ca
URL to article: https://pinoytimes.ca/2009/12/short-stories/ang-diwa-ng-pasko/
Click here to print.
Copyright © 2009 pinoytimes.ca. All rights reserved.