Publisher's Note
Hello dear readers, It’s June and half of the year is almost gone. But we still have rain at times and it’s good for the grass and all the plants in our garden. Although lately, it’s been getting to more sunny now, I’m sure that everyone is enjoying the outdoors. June is a very important month for [...]
Visitors to Pinoytimes
Page added on December 17, 2009
ni Roger Encarnacion
(Ang pangambang sumasanib sa puso ng mga magulang sa pagkakasilang ng kanilang “premature baby” ang naging inspirasyon ng may-akda sa pagsulat ng kuwentong ito.)
_______________________________________
Ang mga katagang nulas sa aming mga labi ay hinaing ng pusong gapi ng kalungkutan. Nasa balintataw namin ang isang kasisilang na sanggol, nakalatag ang mga paa’t kamay na walang lakas at animo’y walang buhay, ang mga matang bahagya nang nakadilat ay kulabo at ang labi’y nakapinid at walang bahid ng kagalakan.
“Makatatawid din siya,” usal namin. At ang kataimtiman ng pananalig na iyon ay halos tumagos sa aming kaluluwa.
Nguni’t ang mga katagang naririnig namin ay nakaguhit lamang sa aming mga isip, walang tunog na nagpapatotoo na sinasambit namin iyon at isinasadibdib. Ang aming mga palad ay magdadaop at sa naroong durungawan ay ipupukol namin sa malayo ang aming pananaw na unti-unti nang pinapanlabo ng mala-kristal na mga bubog.
At sa paghahanap ng mapaghihingahan ng aming loob ay titingalain namin ang kalawakan ng langit at paghahanapin namin sa bunton ng mga bituin ang isang katauhang nakadambana sa aming puso. Nguni’t ang maamong mukhang hinahanap namin ay wala roon, wala rin ang mga matang napupuspos ng di malirip na kahiwagaan, pati na ang mga labing pinananabikan naming mag-amot ng ngiti ng kaluwalhatian. Alam namin, sa pagdaraan ng mga oras, kami’y magtatalusira sa aming sarili.
At sa gitna ng aming pag-aalinlangan ay sasagi sa aming alaala ang isang sanggol sa maliligayang sandali ng kanyang pakikipaglaro sa kanyang sarili: ang pagngiti, ang bahagyang paghalakhak, ang pagkampay ng kanyang mumunting mga paa’t kamay.
Sa gayon ay aming hahangarin at idadalanging sana’y sumanib sa aming katauhan ang kanyang binusilak na kawalang malay upang sa gayon ay hindi namin maalintana ang kapaitang unti-unti nang umaagnas sa katatagan ng aming pananalig.
At kasabay ng pagkabasag ng ilang bubog sa aming mga mata ay kagyat na maghuhugis sa aming balintataw ang musmos na kaanyuan ng isang malusog na sanggol: makikinang na mga mata, labing nahihiyasan ng nakabibighaning ngiti at kamalayang hindi pa nakadarama ng kasiphayuan ng daigdig.
Sa aming pagmumuni-muni ay biglang gigitaw sa sulok ng aming isip ang isang marikit na katotohanan: “Marahil, kaya nilikha ng Diyos ang sanggol ay upang muli’t-muling maipamalas sa atin, sa pamamagitan ng Kanyang mahiwagang pamamaraan, ang kagandahan ng daigdig na nasa diwa’t kaluluwa nito, kagandahang hindi natin mabanaag sapagkat nawaglit na sa ating mga puso ang tibuking maalam umindak sa saliw ng payak na mga mithiin. At marahil din, kung kaya mayroong sanggol ay upang sa lahat ng pagkakataon ng mga pagdadalamhati’t pagkasawi ay lalaging may tagapagpaalaala sa atin ng isang kinabukasang nangangako ng bagong lakas at pag-asa. Sapagkat walang sakit na hindi maisasatinig ng puso, walang kalungkutang hindi matatapos dahil may isang bahagi ang panahon na pumapawi ng lahat.”
At sa gabing iyong sumaksi ng aming pagkasiphayo, ikukubli namin sa dilim ang aming paninimdim at sisikaping huwag iparamdam sa kamalayan ng isang sanggol ang kahinaan ng aming loob. At higit sa lahat, kung magagawa namin, aming aalisin at lilimutin ang kalungkutang nakadagan sa aming dibdib – kalungkutang lubhang napakaliit kung ihahambing sa suliranin ng daigdig.
Minsan, sa isang malayong panahon – isang gabing tulad ng gabing iyon – isang sanggol ang isinilang sa hamak na sabsaban, at ang Sanggol ay sumapuso ng bawa’t taong naniniwala sa Kanya. Si Hesus ay minsan ding naging sanggol at habang nakadambana ang sanggol na iyon sa aming mga puso ay mamamalaging buhay ang aming pag-asa at pananalig sa Kanyang walang hanggang pagpapala.
_______________________________________
(Ang kuwentong ito ay unang nalathala sa Kabitenyo Magazine sa ilalim ng balat-kayong ngalan ng may-akda.)
RELATED STORIES
LATEST HEADLINES
COMMUNITY NEWS
Mr. and Ms. Pilipinas Canada Independence 2019PINOY STORIES
Cubao to Makati in 5 minutes by DecemberPINOY SPIRIT
HAVE YOUR SAY
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.PROMOTIONAL BLOCK
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.TRAVEL NEWS
PINOY TOONS
Tags
Archives