Publisher's Note
It was 22 years ago when I arrived in Canada and chose Calgary, Alberta to be my home. Leaving my family and friends behind, it was a new adventure for me to be in a new country without knowing anyone. That was the time I looked for a Filipino community paper and never found any, [...]
Visitors to Pinoytimes
Page added on February 18, 2010
Habang sinusulat ko to, dalawang daan at pitumpu`t isang araw na ko sa Calgary Alberta Canada. Sa tulad kong first timer (first time sumakay ng eroplano, makapunta at makapagtrabaho sa ibang bansa, makakita ng snow), isang bagong mundo ang sumalubong sa akin pagtapak ko pa lang sa lugar na kung tawagin nila`y “a place of milk and honey“. Bukod sa kaibhan sa klima at wika, marami pa kasing kaibhan ang Pilipinas sa Canada. Malinis at walang polusyon dito. Maayos ang mga kalye, mababa ang crime rate at maayos ang palakad ng gobyerno dito. Maraming benepisyong natatanggap ang mga Canadians. Sa mga simpleng bagay nga ay damang-dama ko ang kaibhan ng sa atin at sa Canada. Libre ang pagpapatingin sa mga doktor dito. Di na kailangan ng mga gwardiya sa mga malls at pamilihan dahil de-kamera na ang mga ito. Wala ring mga traffic enforcers sa mga kalsada dahil maayos ang signal lights dito. Ang di sumunod sa batas trapiko, huli, dahil sa mga kamerang nakakabit sa mga poste. Kung sa atin ikaw ang hihinto kapag may dadaang sasakyan, dito kahit malayo pa lang hihinto na ang mga sasakyan para makatawid ka.
Kung sa pamumuhay naman, malaki rin ang kaibhan. Ang kinikita halimbawa ng isang private school teacher sa atin sa loob ng isang buwan ay mga dalawang linggo lang sa kinikita ng mga klerk dito sa Canada. Iyun nga lang mas malaki kasi ang kinakailangan mong bayaran dito tulad ng bahay, kuryente at telepono. Dolyar na kasi ang usapan sa pera. Kung sa Pinas, bibihira kang makabili ng mga tsokolate at keyk, dito kahit lingo-linggo ka pa bumili.
Marami ring Pinoy kang makikilala dito. Dahil kilala sa pagiging masipag at matiyaga ang mga Pilipino, maraming negosyante dito ang kumukuha at tumatanggap ng mga Pinoy upang magtrabaho sa kanila. Sabi nga ng employer kong Indiyano, iba ang mga manggagawang Pilipino, tapat sa trabaho, magaling makisama at talagang maaasahan. Bilang patunay nga, sa dalawa niyang negosyo, halos mga Pinoy ang kinukuha niyang trabahador. Mahusay ring magsalita ng Ingles ang mga Pilipino na isa sa mga dahilan kung bakit in-demand tayo sa ibang bansa.
Dahil sa malaking oportunidad na makaahon sa hirap sa Pinas, maraming Pilipino ang nagnanais na makarating sa Canada. Maging mga propesyunal sa bansa ay di nakaligtas dito. Marami sa ating mga doktor, dentista, arkitekto at inhinyero ang pumiling mag-migrate sa Canada kasama ang buong pamilya. Ngunit sa likod ng mapang-akit na imahe ng Canada, marami ang hindi nakaaalam ng hirap na kailangang pagdaanan ng bawat isang pupunta dito.
Madalas nauuwi ang mga Pilipino sa trabahong di nila linya. Nagtapos ka man ng doktor sa bansa, mahirap makahanap ng trabahong naayon sa iyong pinag-aralan. Mataas ang istandard o pamantayan ng Canada pagdating sa mga trabahong pampropesyunal. Kinakailangan pang mag-aral na muli dito at makakuha ng certificate mula sa gobyerno ng Canada. Kaya ang labas ng maraming propesyunal dito ay klerk, food counter attendant at maintenance o sa madaling salita, dyanitor o utusan.
Ang sabi nga ng isang Pilipinang nakasama namin sa apartment na dalawang taon ng nasa Canada, kung nakaluluwag ka sa buhay, mas masarap pa ring mabuhay sa Pinas. Dito sa Canada, bawal ang tamad. Hindi ka mabubuhay dito kung aasa ka lang sa kapamilya o sa kaibigan mo. Kung talagang nais mong makaipon kailangang masipag at matiyaga ka. Malaki ngang di hamak ang pasahod dito kaysa sa Pinas, pero kung titingnan mo ang mga gastusin sa isang buwan, halos sakto lang ang kinikita mo pambayad sa bahay, sa kuryente at pampadala sa pamilya. Kaya nga maraming Pilipino ditong higit pa sa isa ang trabaho o mas popular na tawaging double job. Sa ganito kasing sitwasyon, mas malaki ang tiyansang makaipon.
Si Ate C kung tawagin namin ay citizen na dito sa Canada, pitong taon na siyang kayod marino. Halos araw-araw siyang may pasok sa nursing home at mayron pang evening shift (pagtatrabahong mula gabi hanggang madaling araw). Minsan ay apat na oras lang ang tulog niya. Ang sabi niya basta`t hindi ka lang mapili sa trabaho, makakaipon ka agad.
Noong nasa Pilipinas pa ko, naisip kong masarap ang buhay ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa ayon na rin sa mga nakikita ko sa telebisyon at sa mga larawan. Iyon pala, sa likod ng mga tuwa, saya at ngiti ng mga OFW, naroon ang matinding lungkot na kailangan nilang labanan at pangungulila sa mga mahal sa buhay na malayo sa kanila.
Ngayon ko lang naintindihan na mahirap magtrabaho sa banyagang bansa. Minsan, wala kang ibang masasandigan kundi ang sarili mo lang din. Mahalaga ang bawat oras. Nakaka-pressure pa minsan dahil kailangang di mabigo sa `yo ang pamilyang umaasa sa `yo. Iba kasi ang konotasyon kapag ang anak o ang asawa mo ay nasa ibang bansa. Kailangang matatag ang loob mo dito. Matibay ang katawan at ang puso. Marunong ka dapat makisama lalo pa`t iba`t ibang lahi ang makakasama mo.
Hindi pa rin nawawala ang pagiging makwento ko dito sa Canada. Bawat Pilipino kasing makakasabay ko sa bus o di kaya`y makikilala, di nawawala ang interbyu ko sa kanila. Dahil sa mga iyon, lubos kong nauunawaan at natatanggap ang buhay na unti-unti ko palang tinatahak sa kasalukuyan.
Sa kasalukuyan, lalo ko pang mapatutunayang nasa Canada na nga ako, panahon na ng taglamig o winter. Aba, kakaiba nga talaga to sa tulad kong nasanay sa dalawang uri ng panahon. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, ngayon pa lang ako makakikita ng snow. Napakalamig na ng panahon, isang daang beses yata sa lamig sa Pinas tuwing Disyembre. Hindi ko na ma-imagine ang lamig sa sinasabi ng iba na -40. Daig pa siguro nito ang matulog ka sa loob ng freezer.
Marami na talagang nagbago nang mapunta ako dito ngunit siyempre may mga bagay na hinding-hindi magbabago sa akin lumipas man ang marami pang taon. Marami na nga akong nami-miss sa Pinas tulad ng mga pagkaing tinitinda sa kalye, tokneneng, fish ball, sago, manggang hilaw na may bagoong, binatog at cotton candy. Gusto ko na ulit magsampay sa sampayan matapos maglaba(bawal kasi ang sampayan sa mga apartment dito). Nami-miss ko na ang boses nina mama at papa at mga kapatid kong makukulit, ang mga estudyante ko, katrabaho, kaibigan, kamag-anak at ang bahay naming lalo na ang papag kong matigas ma`y akin lamang.
Malayo man kami rito ng ilang libong milya, malapit naman kami sa mga balita. Bukod sa Pinoy Channel, madali rin para sa amin ang manood sa internet ng mga palabas sa telebisyon kaya nga nagulat din kami sa sex scandal ni Katrina Halili. Natuwa kami sa tagumpay ni Charice Pempengco sa Amerika. Nakidalamhati kaming mga Pilipino dito sa pagpanaw ni Pres. Cory. Nag-alala kami para sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Ondoy at Pepeng. Nakibahagi rin ang iba`t ibang grupong Pilipino dito sa Canada sa pagbibigay ng donasyon para sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyo. Nakilala na rin namin dito ang mga tatakbo sa pagkapangulo ng bansa. Nakapagparehistro na nga kami para sa absentee voting. Nasusubaybayan din namin ang mga kinahihiligang teleserye sa atin. Natapos na nga naming ang Tayong Dalawa at Lovers in Paris at pinapanood din ang Darna at marami pang iba. Wala naman kasing ibang libangan o pampalipas oras ang mga Pilipino dito kundi ang manood sa tv o sa internet at magkwentuhan.
Masaya at maganda ang buhay dito sa Canada ngunit kung ako ang papipiliin, kung meron lang din naman akong sapat na ipon, nanaisin ko pa ring manatili na lang sa Pilipinas at magturo. Sabi nga “there`s no place like home“ at talaga namang totoo yun. Masarap pa rin sa pakiramdam na kasama mo ang buo mong pamilya at sabay-sabay ninyong tinatahak ang daan ng buhay.
Ang karanasan daw ng tao ang pinakamagaling niyang tagapagturo kaya naman sa bawat karanasan ko dito sa Canada, masaya man o malungkot, nakakakaba man o nakapagpapalundag ng puso, lahat ay itinuturing kong mga karanasang lalong magpapatibay sa akin bilang anak, kapatid, kaibigan at bilang ako sa kabuuan.
RELATED STORIES
LATEST HEADLINES
COMMUNITY NEWS
A new way forward for some immigration application processing timesPINOY STORIES
Duterte signs National ID System ActPINOY SPIRIT
HAVE YOUR SAY
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.PROMOTIONAL BLOCK
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.TRAVEL NEWS
PINOY TOONS
Tags
Archives