Publisher's Note
by CK May is the month of flowers not just in the Philippines but also here in Calgary. A lot of my neighbors have done their spring cleaning and unfortunately I cannot cope up with them. I remember that during this time of the year my husband, Hank gets busier day by day. He takes care [...]
Visitors to Pinoytimes
Page added on April 20, 2010
ni
Roger Encarnacion
(Ang maikling kuwentong ito ay paglalahad ng isang dalagang malapit nang ‘maiwan ng biyahe’.)
________________________________________
Nakita ko na naman siya. Siya iyong lalaking laging nakatindig doon sa may hintayan ng bus, sa makalabas ng istasyong Anderson, nag-iisa at malungkot.
Sa simula ay hindi ko siya pansin, parang isa lamang karaniwang tanawin siya sa akin: ang kanyang anyo, ang kanyang tila walang pagkagambalang pagbabasa ng pahayagan, ang manakanakang pagsulyap niya sa kalsadang dinaraanan ng dumarating na mga bus. Naging paulit-ulit ang pagkakita ko sa kanya roon, walang patlang – tila isang panatang hindi ko malilimot, tila isang magandang eksenang paulit-ulit kong pinagbabalik-balikan. Hanggang nabuo sa akin ang larawan ng lalaking iyon, malinaw na malinaw na nakalimbag sa isip ko.
Ngayon ay pinagtatakhan ko ang aking sarili kung bakit tila kinasasabikan kong lagi ang makita siya. Sa paghinto ng tren sa istasyong binababaan ko, mabibilis ang aking mga hakbang, parang uhaw ako, tila sabik, at ang bilis ng aking mga paa’y simbilis ng pintig ng aking puso. Kinatatakutan kong mabigo sa aking pag-asam: baka wala na siya roon, baka umalis na siya, baka…
Sa gabi ay panauhin siya ng aking diwa. Binubuhay ko ang anyong iyon, pinakikilos ko nang ayon sa aking kagustuhan. Siya ang aking tagahanga, ipapalagay ko, na nakikipag-usap sa akin, na nagkukuwento ng nakakatawang pangyayari sa akin. At ako’y tatawa. At magsasabay ang tunog ng aming halakhak. O kung minsan, siya kaya’y magsusumamo sa akin, mapapaawang tanggapin ko ang kanyang pag-ibig, ngunit ako’y magiging matatag. Ngunit pagkaraan, sa pagkatuklas kong ako’y nag-iisa sa aking silid, ay isusubsob ko ang aking mukha sa unan, iiyak ako nang iiyak, at madarama kong ako’y baliw at hungkag ang aking daigdig.
Subalit ako na rin ang nagpapalagay na nahuhumaling lamang ako, naaakit lamang. Minsan, tinitikis ko ang aking sariling huwag tumingin sa kinatatayuan niya kapag dumaraan ako. Ngunit wari’y may isang lakas na nagtutulak sa akin, may isang kapangyarihang tila mapanuksong nag-uutos sa aking kahit sulyap ay maghagis ako sa kinaroroonan niya. At ako’y maliligayahan.
Ang tingin ko sa kanya’y maginoong-maginoo. Ang bawat galaw ng kanyang mata at kibot ng kanyang bibig ay pinananabikan ko, kinauuhawan ko. Kailan ko kaya makikita ang ganda at hiwagang ikinukubli ng mga labi at matang iyon?
Isang araw ay naatasan ako ng Cavite Association na tumao sa pintuan ng bulwagang paggaganapan ng pagdiriwang sa paggunita sa kasarinlan ng Pilipinas.
Ang aking tungkulin ay tanggapin ang mga panauhin at magpakita ng pagkagiliw sa kanilang pagdalo. Mula sa pulutong ng nagkakaingay na mga bagong dating, may sampung dipa mula sa aking kinatatayuan, hindi sinasadya ay natanaw ko ang isang katauhang kabisang-kabisa ko, katauhang lagi kong kinasasabikang makita’t makausap, katauhang laging kaulayaw ng aking puso’t kaluluwa – ang lalaki sa hintayan ng bus!
Biglang sumikdo ang aking dibdib. Naramdaman kong parang mayroong pumitlag sa loob ng aking puso. Kahit hindi ko tiyak, ipinalagay kong nakatingin din siya sa akin. At parang kilala na rin niya ako. Subalit ang mga matang iyong nakatingin sa akin – mga matang lagi nang pinapangarap kong mag-ukol ng pansin sa akin – ay dinadaluyan ngayon ng kakaibang kislap ng buhay.
Katabi niya ay isang lalaking matikas manamit sa kanyang kamisadentrong matingkad na dilaw, mababa nang bahagya sa kanya, at nakapulupot ang isang kamay sa kanyang baywang. Nakadikit ito nang malapit na malapit sa kanya na tila naglalambing.
Biglang umasim ang aking sikmura at naramdaman kong ibig kong maduwal. Diyata’t ang makisig na lalaking hinangaan ko nang lihim, inasam na makadaupang-palad at pinaglaanan ng aking magagandang pangarap ay isang…!
Tinakbo ko ang kalapit na washroom. At doo’y hinilamusan ko ang nag-iinit kong mukha ng malamig na tubig.
__________________________________________
(Ang kuwentong ito ay napalathala sa Filipino Pioneers Magazine sa ilalim ng balat-kayong ngalan ng may-akda.)
RELATED STORIES
LATEST HEADLINES
COMMUNITY NEWS
WHAT IS THERE TO LOSE?PINOY STORIES
More Pinoys enjoys Kapamilya Shows via ABS-CBN TV PlusPINOY SPIRIT
HAVE YOUR SAY
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.PROMOTIONAL BLOCK
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.TRAVEL NEWS
PINOY TOONS
Tags
Archives