Publisher's Note

  • Publisher’s Note

    It was 22 years ago when I arrived in Canada and chose Calgary, Alberta to be my home.  Leaving my family and friends behind, it was a new adventure for me to be in a new country without knowing anyone.  That was the time I looked for a Filipino community paper and never found any, [...]

    Read full post »


Visitors to Pinoytimes

Start of StatCounter Code End of StatCounter Code





Page added on July 20, 2010

Email this to a friendEmail This Post Email This Post                      Printable versionPrint This Post Print This Post

SAPA, ROSARIO, CAVITE

ni Roger Encarnacion

(Ang Sapa ay isang nayon ng Rosario sa lalawigan ng Cavite.  Ang kuwentong ito ay pagbabalik-alaala ng may-akda sa kanyang nayong sinilangan.)

_________________________________________

May apatnapung taon na ang nakararaan nang ako ay mangibang-bansa. Ang iniwan kong nayon ng Sapa ay maihahalintulad sa kapirasong langit na nahulog sa lupa, isang paraiso na itinago ng kalikasan sa liblib na pook ng Cavite.

Palibhasa’y karatig ng Sapa ang dagat Timog-Tsina, ang sariwang hanging nanggagaling sa dagat ay naghahatid ng mahalumigmig na haplos sa bawat naninirahan dito. Lalo na’t kung may langkap ng bango ng mga bulaklak ng mga halaman at punong nakatunghay sa malawak na kapaligiran ng aplaya, ang mahinhing samyo at dampi ng hangin ay nagpapagaan ng puso’t nagpapalutang ng kaluluwa.

Kung hapong bago lumubog ang araw, maraming mga bata ang namamasyal sa aplaya at doon sila’y maghahabulan o magtatampisaw sa tubig ng dagat. Ang matitinis nilang halakhak ay nangingibabaw sa tunog ng nababasag na alon sa dalampasigan at sa siyap ng mga ibon sa himpapawid.

Samantala, sa malayong panig ng aplaya, parang nang-iinggit ang magkadikit na anino ng magkasintahang banayad na naglalakad nang yapak sa mangasul-ngasul na pulong wari’y inukit ng makapangyarihang kamay ng Diyos. At sa dulo ng pulo, ang malagintong buhangin sa may pampang na inurungan ng dagat ay nagsisilbing alpombra sa pagal na paang naghahanap ng kaluwalhatian.

Kahit malapit nang lagumin ng dagat ang nagbabagang araw sa lundo ng langit, ang mga dalagang nakasandig sa kawayang bilaran ng lambat ng mga basnig ay hindi pa rin tumitinag. Nakapukol ang kanilang paningin sa malayo, nagpapahangin diumano, ngunit ang totoo’y nagpapatanaw lamang sa mga binatang nagkukuwentuhan sa bangkong kawayan sa ilalim ng mga punong kakwate at ipil.

Sa nag-aagaw-dilim at liwanag ng takip-silim, mababanaag pa rin ang mga batang lalaking nagpapalipad ng saranggola. At sa malayong dako ng aplaya sa ibayo ng pulong kinatitipunan ng mababaw na tubig ay may ilang matatandang lalaking nangunguha ng halaan, butil, gilyote, at susong-dagat. Mayroon ding namamansing, sakay ng lunday na nakahimpil sa malayong panig ng karagatan.

Sa gabi, ang mga punong kawayan, kamatsili, at bayak-toro sa gilid ng kulasian ng Sapa ay naglalatag ng mahahabang anino na animo’y mga kapreng may mahahabang biyas at nagsasayaw sa bugso ng hanging habagat. Kung napapalakas ang hangin, ang ingit ng mga sanga nito at pagaspas ng mga dahon ay naghahatid ng takot sa mga batang naglalaro ng taguan sa likod ng mga gumamela at kulasi sa ilalim ng malamlam na sinag ng buwan. Palibhasa’y hindi pa inaabot ng linya ng kuryente ang panig ng Sapang nilakhan ko, ang nagsisilbing ilaw sa gabi ng aming bahay at karatig ay perok-perok na yari sa basyong bote ng serbesa, mitsang basahan, at gaas.

Kung gabing may sigwa, maagang naglalatag ng banig ang aking ina. Dahil sa matinding takot ko sa kidlat at kulog, ang sanga-sangang kislap ng liwanag sa madilim na papawirin at ang dagundong ng mga higanteng bolang gumugulong sa langit ay nakapagpapanginig sa buo kong katawan. Sa bawat pagkidlat, ang aking ina ay napapabulalas ng “Hesusmaryosep” sabay antanda sa dibdib.

Matamang pinakikinggan ko ang matutunog na patak ng ulan sa bubong na yero ng aming bahay. Masarap ito sa aking pandinig sapagkat makakaligo ako sa buhos ng tubig-pansol kung magpapatuloy ang ulan sa kinabukasan. Sa aking pagkakahiga sa ilalim ng aming lumang kulambo ay pinananabikan kong tila isang panaginip ang mga sandaling kami ng aking mga kaibigan ay magpapatasan ng tubig mula sa patas na gawa sa bumbong na kawayan habang ang langit ay walang sawang nagbubuhos ng kanyang ulang tikatik. At kung dinadalaw ng bagyo ang aming nayon, ako at ang aking kabarkada ay nagkakandakahog sa pamumulot ng bumagsak na mga mansanitas, siniguelas, suha, bayabas, at sampalok sa looban nina Lolo Intin  at Lola Tekla.

Sa umaga, pagkaraan ng bagyo, ang aplaya ay isang masanghayang tanawing nababalot ng mahalimuyak na bango ng dagat. Marahil, ang ulan at hangin ay pamamaraan ng kalikasan upang linisin ang kanyang kapaligiran. Sa panahong ito, maaliwalas ang langit at ang kulay pilak na alapaap sa papawirin ay tila nagbabadya ng mapayapang daigdig. Sa talpukan ng dagat, nakapalamuti sa ibabaw ng tubig ang luntiang water-lily na inanod ng mga alon ng nagdaang gabi.

Sa mga ganitong sandali humuhugos ang mga tao sa aplaya upang saksihan ang pagbabagong naganap sa paligid ng dagat pagkaraan ng bagyo. Kaysarap tuntungan ang gilid ng tibag na buhangin na kung saan marahas na umaagos ang tubig-ulang galing sa ilog ng Sapa. Sa pagtaas ng tubig sa ilog, maraming alimango ang lumalabas sa kanilang mga lungga upang lumagi sa pook na pinagsusugpungan ng tubig-tabang na ilog at tubig-alat na dagat.

Sa ganitong pagkakataon bumubukal ang yamang-dagat ng Sapa. Naglipana ang alamang sa dalampasigan.  May talaba, umang, alimasag, hipon, asohos, at kokomo sa ilalim ng may hanggang sakong na tubig.

Bukod sa pagkaing-dagat, ang Sapa ay biniyayaan din ng Diyos ng mga punong namumunga. Natatandaan ko pa na kung aking binabaybay ang makikipot na daan sa pagitan ng mga bahay sa looban ay naaabot ko sa labas ng bakod ang mga nakayungyong na sanga ng atis, bayabas, ratilis, at makopa. Nakaliligaya rin sa aking paningin ang mabubulas na sibol ng mga punong atiesa, anunas, gayubano, siniguelas, kaymito, at santol sa nababakurang looban nina Lola Inggay at Insong Pile.

Mula sa aking pagkabata hanggang sa panahon ng aking paniningalang-pugad ay hindi pa ako dinalaw, kahit minsan, ng pagkabagot.  Dahil sa ang aking panahon ay kulang na kulang sa nakaatang na gawain sa aking balikat. Ngunit, magkagayunman, napaghahati-hati ko ang aking oras para sa paglalaro, sa pag-aaral, at sa pag-aalaga ng mga manok, baboy, at pato na iniasa sa akin ng aking ama’t ina.

Kung mga laruan ang pag-uusapan, ako ay may angking kakayahang lumikha ng mga ito mula sa sariling sikap. Ang aking mga laruan ay pinagtagni-tagning lata ng gatas at sardinas, mga botelya, patpat na kawayan, papel de hapon, tansan, at pisi. Mula sa aking mayamang guniguni ay nakakalikha ako ng barko, eroplano, sasakyang may gulong, bangkang may layag at timon, espada, patibong, at saranggolang may buntot at hombang humuhuni. Natutunan ko rin ang larong bugang-kasoy, gagamba, pitik, turumpo, sumpit sa butiki, tumbang-preso, bandisa, espadahan, at balatik. Ang nakababata kong kapatid na babae naman ay nahilig sa sungka, holen, at bahay-bahayan.

Laging may pinagkakalibangan ang mga bata at mga bagong-tao sa Sapa noon. Walang tambay sa kanto maliban sa mga balikbayang sailor ng U.S. Navy at matatandang lalaking may himas-himas na talisain o Teksas na manaka-nakang binubugahan nila ng usok ng tabako. Ang pinagkakalibangan ng karamihan ay panggingge, madjong, bingo, at huweteng – mga bisyong hanggang ngayon ay taglay pa rin ng mga matatanda sa nayon ng Sapa.  Ngunit nang mga panahong iyon ay walang mga squatters at bibihira ang mga dayuhan. Wala ring mga lasenggong gagala-gala sa kalsada o sa looban. Higit sa lahat, walang nagda-drugs noon dahil hindi pa napapasok ng bugok na kaunlaran ang aming nayon. Mababait at may pagsasaalang-alang sa awtoridad at magulang ang lahat ng mga kabataan noon.

Ito ang nayon ng Sapa na kinagisnan ko: makaluma ngunit masaya, payak na pamumuhay ngunit sagana, hindi mayaman ngunit pinagpala ng kalikasan at ng Diyos.









RELATED STORIES

  • No Related Post


LATEST HEADLINES

COMMUNITY NEWS

A new way forward for some immigration application processing times thumbnail A new way forward for some immigration application processing times
Calgary Stampede 2018 Poster thumbnail Calgary Stampede 2018 Poster
Alberta celebrates first Philippine Heritage Month thumbnail Alberta celebrates first Philippine Heritage Month
UPAAA Welcomes New Philippine Consul General thumbnail UPAAA Welcomes New Philippine Consul General

PINOY STORIES

Duterte signs National ID System Act thumbnail Duterte signs National ID System Act

HAVE YOUR SAY

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.

PROMOTIONAL BLOCK

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.

TRAVEL NEWS



PINOY TOONS


Tags