Publisher's Note
It was 22 years ago when I arrived in Canada and chose Calgary, Alberta to be my home. Leaving my family and friends behind, it was a new adventure for me to be in a new country without knowing anyone. That was the time I looked for a Filipino community paper and never found any, [...]
Visitors to Pinoytimes
Page added on October 22, 2010
ni Roger Encarnacion
___________________
Kahit kailan, hindi ko mapabilib si Mrs sa aking mga kuwentong Tagalog. Masyado raw malalim at mabulaklak. Kung masasabi naman daw sa simpleng Tagalog, bakit kailangang gumamit pa ng mahihirap na pangungusap.
Ang pagsulat, sabi ko, ay isang sining na kumakatawan sa personalidad ng sumusulat. Marahil ay naimpluwensiyahan lamang ako ng mga hinahangaan kong matatandang kuwentista noong nasa high school pa ako. At marahil din, bilang isang engineer, hindi ako namulat sa mga alintuntuning itinuturo sa unibersidad sa pamamaraan ng makasining na pagkukuwento.
Sa totoo lang, basta tama ang gamit ng mga pangungusap at umaayon sa alituntunin ng Balarila ni Lope K. Santos, kuntento na ako. Kung medyo maindayog ang pagkakahabi ng mga pangungusap sa aking pagsasalaysay, iyon ay pansariling istilong hindi ko maiiwasan. Naniniwala ako na ang bawat alagad ng panitik ay may kanya-kanyang ‘personal touch’ sa pagbibigay buhay at damdamin sa paksang kanyang tinatalakay.
Para mabigyan ng katarungan ang paniwalang ito, ating suriin ang anatomya ng kuwentong “Mayo at Disyembre” na isinulat ko may ilang taon na ang nakalilipas.
_____________________________________
MAYO AT DISYEMBRE
Ni
R. Encarnacion
___________________________________
Ikaw raw at ako ay Mayo at Disyembre. Sapagkat ang agwat ng edad na namamagitan sa ating dalawa ay mahigit na dalawampung taon. Ngunit hindi sagwil ang katotohanang ito sa paniwalang ang pag-ibig na bumubuklod sa ating mga puso ay kasing-tibay ng punong nakaugat sa matigas na lupa.
***
Sa simula pa lamang ay agad nang mapapansin ang aking naiibang pamamaraan. Medyo makaluma ang dating pero maliwanag ang mensaheng tinataglay. May pagka-melodramatic ang himig ng entrada pero kung ito ang makapaghahatid ng aking pakay ay mapagpapasensiyahan na marahil ako ng mga mambabasang naaaliw sa ganitong paraan ng pagsulat. Alam kong maraming hindi sang-ayon sa istilong ito, at marahil ay nakokornihan sa pananagalog na ginamit ko. Pero, I am what I am, sabi nga ni Mrs.
Ituloy natin ang kuwento.
***
Laging nagbabalik ang kahapon. Bakit hindi ko maiwasan? Katulad ng tadhanang naglapit sa ating dalawa.
“Uuwi ako ng Pilipinas”, isang araw ay bigla ko na lamang naramdaman ang paglulunggating makaalis ng Canada. Nakaharap ako sa salamin at pinagmamasdan ko ang manaka-nakang salit ng puti sa aking buhok. Dalawampung taon na pala ang nakararaan mula nang ako’y mangibang-bansa.
Ang Canada ay isang piitan na nagkulong sa aking kalayaan. Mula nang dumating ako sa lupaing ito, ang aking buong panahon ay inilaan ko na lamang sa aking gawain dahil ibig kong matakasan ang aking nakagisnang karalitaan.
***
Pagkaraan lamang ng ilang talata ay maliwanag na naiparating ko sa mambabasa ang tinatakbo at himig ng istorya. Ituloy po natin ang kuwento.
***
At ngayon, wari’y naghahanap ng hindi maipaliwanag na damdamin ang aking sarili. Lalo na’t kung nauulinig ko sa katahimikan ng aking pag-iisa ang mumunting tinig ng mga batang naglalaro. Lalo na’t kung naaaninag ko sa dilim ng gabi ang nakatutuksong anyo ng dalawang kaluluwang pinag-iisa ng pag-ibig.
***
Dito sa parteng ito ako tinatawanan ni Mrs. Nagsisimula na raw mamukadkad ang mga bulaklak – na ang ibig sabihin ay lumalabas na ang likas kong pagka-mabulaklak.
Magpatuloy po tayo.
***
At naalaala ko ang aking kinagisnang nayon. Ang aking maralitang nayon na sagana sa luntiang halamanan sa ilalim ng bughaw na langit. Nasasabik akong makitang muli ang puting buhangin, ang mga punong niyog na nakahanay sa tabi ng aplaya at ang pamamaalam ng araw tuwing takipsilim. Totoo, nasasabik na akong umuwi hindi lamang upang ipahinga ang napapagal kong katawan at isip kungdi upang palayain sa malayong pook ang lihim na hinaing ng aking puso.
***
Ngayong alam ninyo na ang pinupunta ng kuwento, magtuloy-tuloy na po tayo hanggang sa marating natin ang tinatawag na climax ng istorya.
***
Nagkakaingay ang mga taong natitipon sa aming lumang bahay nang dumating ako. May kaunting salu-salo palang inihanda ang aking bunsong kapatid na babae sa aking pagdating. Bawa’t isa’y bumabati sa akin at nangungumusta. Bawa’t isa’y masiglang nakikigalak.
At nakita kita. Tahimik na nakamasid lamang sa kasayahang nagaganap. Biglang kumaba ang dibdib ko nang sumungaw ang nakikiming ngiti sa iyong mga labi. Sa tingin ko, ikaw ay isang pangarap na nagkatawan sa isang kaibig-ibig na katauhan – may lamyos, may sining, may pang-akit.
Sa pagdaraan ng mga araw, pilit kong iniwawaksi ang kakatwang udyok ng pagkagiliw sa iyo. Sapagkat magka-iba at magkalayo ang ating daigdig.
Ngunit ikaw ay may sariling paraan upang mapagtuunan ko ng pagtatangi. Na nag-uutos sa akin na kasabikan ka. At mahalin. Sapagkat ang batas ng kalapitan mo’y hindi kayang suwayin ng alinlangan kong puso.
Sa karamihan ng nga babaeng nakilala’t nakadaupang-palad ko sa nayon, ikaw lamang ang tanging naglalapit sa akin na tila ang gayon ay isang banal na obsesyong hindi mo kayang sawatain sa iyong sarili. Kung ikaw’y malapit na malapit sa akin, hindi ko matagalan ang makapangyarihang hatid ng hiwagang nakapahiyas sa iyong mga mata, ang nagpapasikdong timyas ng kaaya-aya mong pagngiting tanging ako lamang ang makakaunawa.
Sa bawat sandaling nag-uusap tayo, nadarama ko ang matapat mong pagtatangi sa akin. Subalit sa pagdaraan ng mga araw, unti-unti kong nauunawaan na ang pagtatanging iyon ay walang lakas upang papaglapitin ang dalawampung taong agwat na namamagitan sa ating dalawa. Saksi ang lipunang lihim na tumututol sa ating pag-iisa. At higit sa lahat, nadarama kong ang pagtatanging iyon ay may lakip na paggalang at pagdakila. Kakaiba ang pag-ibig na iyon. Naaalangan ako sa pag-ibig na iyon. Naaawa ako sa pag-ibig na iyon.
At ikaw’y kinausap ko isang araw. Marahil ay upang ipaliwanag sa iyo ang kagandahan at katapatan ng pag-ibig na nananahan sa iyong puso. Na sapagkat maganda at matapat ay nararapat lamang na suklian ng kapwa kagandahan at katapatan. At dahil sa ang pag-ibig na nalalaan para sa iyo ay nakababatid ng lawak at timyas ng makapangyarihang pag-iisa ng mga damdaming malinis ma’y kapwa naman sumusuway sa mapanuring batas ng lipunan, ang pag-ibig na iyon, hindi man dapat, ay kusang napakikitil upang huwag nang makadama pa ng lalong kalungkutan sa darating na mga araw.
At umiyak ka noon. Ah, gusto ko ang iyong mga mata habang ang mga iyo’y dinadaluyan ng luha. Gusto ko ang pamumula ng iyong pisngi, ang pangangatal ng iyong labi, ang basag mong tinig na nakikipaglaban sa karapatang mabuhay ng pag-ibig na buong ingat mong inalagaan sa ubod ng iyong puso.
Nang ikaw’y tumingin sa akin na tila napauunawa, may matinding kirot akong naramdaman sa aking kaliwang dibdib. Ang sumbat sa iyong mga mata ay tumimo sa aking kaluluwa, naging isang lakas iyon na gumuho ng lahat kong paninindigan, hanggang sa mamalayan ko na lamang na minamahal pala kita. Pinalis ko ang sumbat na iyon na lubhang masakit. Naging ako ikaw sa panahong ikaw’y nagdurusa. Pagkat noon sa masid ko, ikaw ang dating ikaw na nakita kong nagkatawan sa isang pangarap na minsan ay hinangaan ko at sinamba, na minsan ay inibig ko at minahal.
***
Lumalakas ang tawa ni Mrs. Nangangantiyaw. Kaya tapusin na po natin ang kuwentong ito.
***
Humigpit ang pagkakayakap ko sa iyo. Ang iyong katawan ay napapakupkop, tila isang basang sisiw na naghahanap ng init. At habang unti-unting humuhupa ang panginginig ng iyong dibdib na natitigib ng emosyon, ang mga mata ko ay nakatanaw sa payapang dagat. Ngayon ay natitiyak kong ang damdaming nararamdaman ko ay hindi magbabago lumipas man ang panahon.
***
Tapos na po ang kuwento. Sana ay nagustuhan ninyo ito.
Hanggang sa muli…
RELATED STORIES
LATEST HEADLINES
COMMUNITY NEWS
A new way forward for some immigration application processing timesPINOY STORIES
Duterte signs National ID System ActPINOY SPIRIT
HAVE YOUR SAY
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.PROMOTIONAL BLOCK
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.TRAVEL NEWS
PINOY TOONS
Tags
Archives