Publisher's Note
by CK May is the month of flowers not just in the Philippines but also here in Calgary. A lot of my neighbors have done their spring cleaning and unfortunately I cannot cope up with them. I remember that during this time of the year my husband, Hank gets busier day by day. He takes care [...]
Visitors to Pinoytimes
Page added on January 19, 2011
ni
Roger Encarnacion
_______________________
Anim na oras na lamang at maghihiwalay na ang taon. Papasok na ang bago at mamamaalam na ang luma. Nasa magarang bulwagan ako ng ‘Sheraton Hotel’ sa Calgary at tahimik na sumisimsim ng paborito kong ‘rye and soda’. Kasama ko sa waluhang mesa ang ilang kaibigan at kakilala na tulad ko’y kabilang sa may tatlong-daang panauhin sa gabing iyon na naghihintay ng pagdatal ng Bagong Taon.
Wala sana ako sa pagtitipong iyon kungdi lamang sa mapilit na pakiusap ng kumare kong Lorna na magbigay ako ng maikling talumpati kaugnay sa pararangalang ilang kababayan na nag-ambag diumano ng kanilang talino sa ikatatanyag ng Panitikang Pilipino sa aming komunidad. Bilang pangulo ng samahang nagtataguyod ng kalinangang Pilipino, si kumareng Lorna ang punong-abala sa pagtitipong iyon. Ang pagpaparangal ay isinabay sa nakaugalian nang pagtitipon ng mga Pilipino sa gabi ng pagpapalit ng taon.
Totoo man o hindi na may angking kakayahan ang ilang pararangalan batay sa mga napalathala nilang kathang-isip, hindi ko alam kung ano ang magiging damdamin ko kapag nakita ko ang isang kakilalang tatanggap din ng plake ng karangalan. Siya si Teresa Alba.
Teresa Alba. Paano ko malilimot ang pangalang iyon? Kamag-aral ko siya sa Mataas na Paaralan ng Rosario. Maganda, ambisyosa, malakas ang loob, sikat, miyembro ng ‘track and field team’ ng aming paaralan. Bahagya na siyang nakasalba sa ‘high school’ noon. At marahil, dahil sa mabababa niyang marka ay kumuha na lamang siya ng isang ‘vocational course’ sapagkat iyon daw talaga ang gusto niya.
Sa isang ‘Travel Agency’ nagsimulang mamasukan si Teresa. Maliit lang ang kinikita niya roon, sapat lamang sa pansarili niyang pangangailangan. Kaya pagkaraan ng ilang taon ay sinubukan niyang mag-ahente sa isang ‘Real Estate Company’ sa Tagaytay. Ngunit hindi pa rin siya maligaya, kaya sa udyok ng kaniyang matalik na kaibigan ay nag-‘apply’ siya bilang isang ‘caregiver’ sa Israel. Nang matapos ang kontrata niya ay lumipat siya sa Abu Dabi, pagkatapos ay sa Singapore, sa London, at nitong huli’y sa Calgary.
Hindi sinasadya ang pagkikita namin ni Teresa. Nagka-krus ang aming landas sa ‘Fish Creek Library’ isang hapong naghahanap ako ng DVD tungkol sa Honolulu at Kauai. Nagbubungkal siya ng mga CD sa di kalayuan nang siya ay aking masiglayan. Hindi siya nagbago sa mukha. Maganda pa rin. Pero hindi na siya ang seksing kamag-aral ko sa ‘high school’ na iniikutan ng maraming tagahanga. Medyo tumaba siya, na naging kapuna-puna dahil hindi siya kataasan.
Nagulat siya nang lumapit ako. “Kamusta?” bati ko. “Kelan ka pa dumating? Kilala mo pa ba ako?” sunud-sunod kong tanong.
Hindi siya makapaniwala. Tumitig muna siya nang matagal bago bumulalas ng malakas na “Ikaw? Ikaw si Boryong?” Tumango ako. At nakita ko ang mabibilog na kurukyay sa dalawa niyang pisngi nang siya’y ngumiti.
“Hindi na Boryong,” sabi ko. “Rey na ngayon.”
At naupo kami sa may bakanteng mesa sa di kalayuan. Kamustahan. Kuwentuhan. Pinagbalikan namin ang aming buhay-buhay noong nasa ‘high school’ pa kami.
“May-asawa ka na?” pagkaraa’y tanong niya. Hindi lamang ang mga labi niya ang nagsasalita. Ang mga mata niya’y nangungusap din.
“Awa ng Diyos, wala pa rin,” sabi ko.
Hindi ko maamin sa sarili na tumanda akong binata dahil sa pihikan ako, na nawalan na ako ng pag-asang matatagpuan ko pa ang tamang babae para sa akin, na ang pinakamahalaga sa akin ngayon ay ang aking ‘career’.
“Ikaw nga, eh, bakit hindi mo man lamang ako niligawan noong ‘high school’ tayo?” pabirong sumbat niya.
“Kasi, takot ako sa magaganda,” pagdadahilan ko. “Kung niligawan ba kita noon ay papansinin mo ako?”
“Bakit naman hindi, eh, kilalang-kilala ka noon sa ‘campus’. Kaya lamang ay may iba kang pinagkakaabalahan. Si Lina, iyong ‘valedictorian’?”
“Teka muna, ikaw? May pamilya ka na?” sinadya kong binago ang paksa ng usapan.
“Nagkaasawa ako bago ako nag-‘abroad’ sa Israel.” At dumilim ang mukha ni Teresa. “Si Robert, kilala mo siya, di ba? Iyong ‘basketball player’. Pero, wala na siya, naaksidente sa planta ng Meralco. Kaya, eto, matandang biyuda.”
“Matanda na ba ang kwarenta? Saka hindi ka naman mukhang kwarenta.”
Ang kwarenta ay hula ko lamang. Sa tantiya ko, si Teresa ay tumatakbo na sa kwarenta’y singko, tulad ng edad ko.
Nang mga sandaling iyon ay namatay ang ilaw ng ‘library’ at muling nabuhay, paalaala sa mga naroon na malapit nang magsara ito.
“O, paano,” sabi ko. “Pinapauwi na tayo. May sasakyan ka ba?” tanong ko.
“Wala, nagbu-‘bus’ lamang ako.”
“Tena, ihahatid na kita, may sasakyan ako,” alok ko.
“Salamat na lang,” tanggi niya. “Dadaan pa ako sa ‘SouthCentre Mall’.”
Iyon ang huling pagkikita namin ni Teresa. At ngayon nga, sa bisperas ng Bagong Taon, ay narito siya sa bulwagan ng ‘Sheraton Hotel’ at nakatakdang tumanggap ng parangal.
Hindi ako mapakali nang unang makita ko ang pangalan ni Teresa sa programa. Hinanap ko na agad siya. Inisa-isa ko ang bawat mesa. Wala roon. Ginalugad ko ang buong bulwagan. Wala rin. Nagtanong ako kay kumareng Lorna. Hindi niya alam. Baka nata-‘traffic’ lang daw.
Bumalik ako sa aking mesa namay dalang baso ng ‘rye and soda’. Doon ko ibinunton ang kaunting kahungkagang nadarama ko. At habang hinihintay ko ang sandaling tatawagin na ang pangalan ko para sa aking talumpati, si Teresa pa rin ang laman ng aking diwa.
Ika-siyam at kalahati na ng gabi nang senyasan ako ni kumareng Lorna na oras na para sa aking mensahe. Tumayo ako pero nangangalog ang tuhod ko. Umi-epekto na ang ispiritu ng ‘rye and soda’.
Nagsimula akong magsalita. Madulas ang dating ng bawat salita sa aking isip. Ang unang bahagi ay saulado ko. Ang sumunod na bahagi ay pinupunan ko na lamang sa pamamaraang ‘impromptu’.
Sa pagtatapos ng aking talumpati ay nawala ako sa pinaghandaan kong ‘script’. Maaaring epekto iyon ng ‘rye’. Maaari ring epekto iyon ng nadarama kong kalungkutan sa hindi pagkakita kay Teresa.
“Nagbabago ang tao,” sabi ko sa basag na tinig. “Ang antas ng ating kaalaman sa panahon ng ating kabataan ay sumisigabong parang halaman kapag nadilig ng mayamang karanasan.”
Patungkol kay Teresa ang katas ng bawat salitang nakapaloob doon. Na si Teresa’y hindi gaanong marunong noong ‘high school’ kami ngunit ngayo’y tatanggap ng parangal bilang isang manunulat ay isang kabalintunaan ng buhay na nangyayaring madalas.
Nagpatuloy ako. “Kailangang buksan natin ang durungawan ng ating kaluluwa. Kailangang makita natin ang kagandahan ng umaga at madama ang kahiwagaan ng langit sa bawat araw na tayo’y nabubuhay sapagkat kung hindi’y maiiwan tayo ng panahon. Hindi ‘career’, hindi salapi, hindi materyal na mga bagay, hindi katuparan ng mga pansariling mithiin ang susi ng kaligayahan ng tao. Nagkakaroon lamang ng kahalagahan ang buhay kung mayroon tayong mapaglalaanan ng ating bawat pagtatagumpay, kung mayroong nagmamahal sa atin, kung mayroong pag-ibig na nananahan sa ating puso na nagbibigay kulay at ganda sa bawat sandali ng ating pagtatagumpay.”
Hindi ko maisip kung bakit pumasok sa utak ko ang bahaging iyon ng aking talumpati. Ang bawat salitang nakapaloob doon ay patungkol sa akin. Na ako’y tumandang binata dahil sa aking pagkapihikan at pagbubuhos ng aking buong panahon sa aking ‘career’ ay lumalabas na mababaw na pagdadahilan na lamang ngayon at pagtatakip sa aking maling pananaw sa buhay. Na ang totoo’y nabuksan ang aking mga mata sa katotohanan at nabago ang aking paniwala nang makadaupang-palad ko si Teresa sa ‘Fish Creek Library’.
Tinapos ko ang aking talumpati nang senyasan ako ni kumareng Lorna na mahaba na ang aking mga sinabi. Umuugong ang palakpakan nang bumalik ako sa aking mesa.
Nagpatuloy at natapos ang palatuntunan nang hindi ko namamalayan. Wala ang isip ko sa kapaligiran. Wala ako sa sarili.
Ngunit naririnig ko ang papalakas na kaluskos at kaingayan sa bulwagan. May nagbabatingting ng kutsara sa baso. May sumisipol. May umiihip ng torotot. May pumapalakpak. Malapit na ang pagsapit ng Bagong Taon.
“Ten… nine… eight…” Nagsimulang magbilang si kumareng Lorna sa mikropono. Nakatayo ang lahat. Bakas ang sigla at saya sa lahat ng kaluluwang naroroon. “Three… two… one…” At bumunghalit ang sirena mula sa malalaking ‘speaker’ ng ‘DJ’.
“Manigong Bagong Taon sa lahat,” bati ni kumareng Lorna. At nagsalimbayan ang nakabibinging huni ng mga torotot. Pumailanlang ang kantang ‘Auld Lang Syne’ sa bulwagan. Nagyakap-yakap ang bawat isa.
Kung sino-sino ang yumakap sa akin. Pero walang kahulugan ang mga yakap na iyon para sa akin. Nadadala na lamang ako ng mga pangyayari. Tuliro ako. Marahil ay dahil sa alak na nainom ko, at marahil din ay sa kahungkagang namamayani sa aking katauhan noon.
Niyakap ako ni kumareng Lorna. Ang sumunod ay isang babaeng ayaw na yata akong bitiwan. Nagulat ako. Si Teresa! Humigpit ang yakap ko sa kanya. Ayaw ko nang pakawalan si Teresa.
“Bakit ngayon ka lang?” tanong ko.
Naka-umis si Teresa. “Kasi, pinakiusapan ako ng ’employer’ ko na tulungan sila sa pag-istima sa kanilang mga bisita sa bahay. Alas onse na nang pakawalan nila ako. Buti umabot pa ako rito.”
“Okey lang,“ sabi ko. “Maligaya ako at nakarating ka kahit huli.”
Hindi pa rin naaalis ang pagkakayakap ko kay Teresa. Bumulong ako sa kanya. “Natatandaan mo ba nang tanungin mo ako sa ‘Fish Creek Library’ kung bakit hindi man lamang kita pinansin noong ‘high school’ tayo?”
Ngumiti lamang si Teresa. Lumitaw ang mabibilog na kurukyay sa magkabila niyang pisngi.
“Totoo naman, ah,” sabi niya.
“Totoo nga. Pero noon iyon. Nagbabago ang tao, di ba? At saka, may ‘New Year’s resolution’ ako sa taong ito.”
“Na lalo mo pang pagbubutihin ang pangangalaga mo sa iyong ‘career’? Na magpapakatanda kang binata?” salag niya. May kirot akong naramdaman sa sinabi ni Teresa.
“Mali ka. Itatama ko ang aking malaking pagkakamali. Ngayong gabi ay sisimulan kong ligawan ka. Puwede?”
Isang maliit na kurot sa tagiliran ko ang isinagot sa akin ni Teresa.
RELATED STORIES
LATEST HEADLINES
COMMUNITY NEWS
WHAT IS THERE TO LOSE?PINOY STORIES
More Pinoys enjoys Kapamilya Shows via ABS-CBN TV PlusPINOY SPIRIT
HAVE YOUR SAY
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.PROMOTIONAL BLOCK
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.TRAVEL NEWS
PINOY TOONS
Tags
Archives