Publisher's Note
HAPPY NEW YEAR! HAPPY THREE KINGS! As we are now in 2019, new year, new beginnings, new challenges and new opportunities. Everyone is entitled to make their new year’s resolution for as long as they keep it in mind and make sure that they do it to the best of their ability. When I was young [...]
Visitors to Pinoytimes
Page added on February 20, 2011
ni
Roger Encarnacion
_______________________________________
Kung tawagin siya ng barkada ko ay si Seksi. Dahil talaga namang napakaganda ng kanyang katawan. “Nakakagigil,” sasabihin ni Pareng Danny. “Nakakagising,” sesegundahan naman ni Pareng Berto. Hindi ko alam kung ano ang tinutukoy ni Pareng Berto na nagigising, pero palagay ko’y damdamin ang ibig niyang sabihin.
Una ko siyang nakita sa ‘party’ ng Ex-Meralco sa Calgary. Nakahiyad siya na parang si Gloria Diaz ang dating. Ang suot niyang pulang ‘long gown’ ay hakab na hakab sa hugis- ‘coca-cola’ niyang katawan. Matangkad palibhasa at naka-‘heels’ pa, ang indayog ng kanyang balakang sa paglakad ay ligaya na sa paningin ng bawat lalaking nakakaunawa ng tunay na kaligayahan. Nang bumungad siya sa bulwagan ng Hyatt ay may ilang napapalatak at napapasipol sa paghanga. “Masabaw, pare ko,” bulong sa akin ni Pareng Erning.
Kasama niya sa waluhang mesa ay limang babae at dalawang lalaki na ang isa ay namumukhaan ko dahil nakasama ko minsan sa trabaho sa ‘Suncor site’, sa Fort McMurray.
Hinintay ko munang matapos ang ‘dinner’ at ang maikling palatuntunan bago ako naglakas loob na lumapit sa mesa ng aking kakilala na tumutugon sa pangalang Fred. Ang talagang layon ko ay makipagkilala kay seksi pero ginawa kong daan si Fred para makalapit sa kanya.
Hindi ako nakakalimutan ni Fred. Malayo pa ay namukhaan na niya agad ako.
“Kamusta,” sabi ko, sabay abot ng aking kamay.
“Mabuti naman,” sagot niya. At humila siya ng isang silya sa katabing bakanteng mesa para paupuin ako.
“Matagal na panahon ding hindi tayo nagkita. Kamusta ang Fort Mac?” tanong ko.
“Umalis na ‘ko ro’n simula pa nang mag-‘recession’ no’ng 2008,” tugon niya. “Nagbawasan at kasama ako sa natanggal.”
Si Fred ay tatlong buwan ko lang nakasama sa trabaho dahil ‘site assistance’ lamang and dahilan ng pagkaka-‘assign’ sa akin sa Fort McMurray ng kumpanyang pinagtatrabahuhan ko sa Calgary.
“Pero, awa ng Diyos, nakakita na agad ako ng trabaho dito sa Calgary,” masiglang dugtong ni Fred.
“E, di mainam,” sabi ko.
Nahuli ni Fred na nakasulyap ako kay seksi habang nag-uusap kami. Bilang isang binatang katulad niya, nahinuha agad ni Fred na may ibang pakay ako sa paglapit ko sa kanilang mesa.
“Siyanga pala, Kristie,” sabay lingon sa katabi, “please meet my friend Rey – dating kasama ko sa trabaho. Rey, si Kristie, my one and only sister.”
Ngumiti lamang si Kristie. Iniabot ko ang aking kamay kay Kristie bilang tanda ng aming pagkikilala. Tinanggap naman niya ito.
“Kadadating niya lamang from the Philippines,” paliwanag ni Fred. “Gustong matikman ang buhay sa Canada. At makahanap tuloy ng magandang trabaho.”
Mas maganda si Kristie sa malapitan. Makinis at maputi ang kanyang balat. Mahaba ang medyo kulot na buhok na bumabagay sa hugis ng kanyang mukha. Ang mga labi niya ay iyong tinatawag na ‘kissable’, mga labing nangangako ng langit sa makakadamping labing naghahanap ng kaluwalhatian. Ang mga mata niya’y maiitim at mabibilog at wari’y may itinatagong hiwaga – na habang tinititigan ay tila batu-balaning nang-aakit. At ang malusog niyang dibdib ay nakapagpapalakas ng pintig ng puso at nakakagising ng damdamin, tulad ng sabi ni Pareng Berto.
Na-‘in love’ ako kay Kristie ng gabing iyon.
Hindi ako mapalagay ng sumunod na mga araw. Parang laging hinahanap ko si Kristie, kinasasabikan, kinauuhawan. Ang pakiramdam ko tuloy ay nilalagnat ako.
“Binata naman ako,” sabi kong pampalubag-loob sa sarili. “Tapos ng ‘engineering’ at may matatag na trabaho. May sariling bahay at may Chedeng pa nga. Saka, ayon sa nanay ko ay hindi naman daw ako pangit.”
Ang mga bagay na iyon ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob para pasyalan si Kristie sa bahay ni Fred. Hindi naman tumututol si Fred sa aking pagbisita sa kanyang kapatid.
Araw-araw ay nagte-‘text’ ako kay Kristie o hindi kaya ay tumatawag sa kanyang ‘cell’. Marinig ko lamang ang boses niya ay maligaya na ako. Ma-‘imagine’ ko lamang ang kabigha-bighani niyang mukha ay maganda na ang buong maghapon ko.
Hindi naglaon ay naiimbita ko na si Kristie para mag-‘dinner’ sa mga ‘high end’ na ‘restaurant’. Palagay na ang loob niya sa akin. Pakiramdam ko’y malapit nang bumagsak ang matamis niyang oo.
Minsan, sa isang ‘restaurant’, ay nangahas akong hawakan ang kamay ni Kristie. Hindi siya pumalag. At nakita kong namula ang kanyang pisngi. “Ayos na,” sa loob-loob ko, “bumagsak na ang Bataan.”
Para akong nakalutang sa alapaap ng mga sandaling iyon. Parang may nag-aawitang mga anghel at nagsasabog ng mga talulot ng rosas sa aking paligid. Kinurot ko ang aking sarili para matiyak kong hindi ako nananaginip lamang.
Nang gabing iyong inihatid ko si Kristie sa bahay ni Fred ay hinila kong marahan ang kamay niya at kinabig ko siya sa baywang. Masasal ang kaba ng dibdib ko. Para akong nilalagnat. Dinampian ko ng isang masuyong halik ang naghihintay niyang mga labi. Halik na malamyos sa simula, pero naging maalab at mapangahas sa bandang huli. At narinig kong muli ang awit ng mga anghel sa aking paligid.
Ang ugnayan namin ni Kristie ay hindi nalingid kay Fred. Pero, hindi siya nagsasabi ng kung ano tungkol sa relasyon namin ni Kristie. Hindi ko tuloy alam kung kumporme siya na maging bayaw ako o hindi.
Isang araw ay tinawagan ako ni Fred sa aking opisina at inaya niya akong mag-‘celebrate’. “Mag-‘celebrate’ ng ano?” tanong ko. “Basta,” sabi niya. “Saka, may pag-uusapan tayo.”
“Tungkol ba kay Kristie?” bulong ko sa sarili. Nasasabik akong malaman.
Sa isang kilalang ‘pub’ kami nagkita ni Fred. Umorder na agad siya ng ‘finger food’. At dalawang rum and coke. Nagtagay kami. “For the good time,” sabi niya. “For our friendship,” sabi ko.
Nakakadalawang ‘round’ pa lang kami ng inom nang si Fred ay magsimulang magbukas ng dibdib. Totoo raw na may dapat kaming i-‘celebrate’. Iyon ay ang pagkakapasa niya sa APEGGA bilang isang ‘engineer’. Ang ikalawa ay ang kanyang ‘promotion’ kasabay ng desisyon ng kanilang kumpanya na idestino siya sa Montreal sa ‘head office’ nila roon. At sa pagre-‘relocate’ niya ay kanyang isasama si Kristie sa Montreal.
Nanlumo ako. Parang mayroong maitim na ulap na tumabing sa aking masanghayang daigdig. Naging punebre ang awit ng mga anghel.
Nag-aapuhap ako ng tamang sasabihin kay Fred. Parang may bikig ang lalamunan ko. Parang may nakadagang mabigat na bato sa aking dibdib. Ang tanging nasabi ko’y “Congratulations”. Marahil ay nahalata ni Fred na walang emosyon ang pagkakabigkas ko ng salitang iyon.
Sinaid ko ang natitirang rum and coke sa aking baso. At sinenyasan ko ang ‘waitress’ na bigyan pa kami ng another ‘round’. Nasundan pa ito ng kung ilang ulit.
Namumula na ang mga mata ni Fred. Lasing na kaya siya? Ngayon ay may bahid na ng pagkabulol ang kanyang pagsasalita.
“Alam mmo, pre…,” sabi niya sa aking halos pabulong, “si Kristie ay nnag-iisa kong kapatid na bbabae. Kaya mmahal ko siya. Inihabilin ssiya ni ermat sa akin bago ssiya namatay. Kaya ssunod ang layaw nniya sa akin.”
At tumawa si Fred. May tamis at pait ang tawang iyon. “Hindi niya mmakasundo ang ppamilya ng ddalawa naming kkapatid na lalaki sa Cavite. Kaya nnagpilit siyang mmakarating dito.”
Nakatingin lamang ako kay Fred. Ayaw kong sansalain ang paglalahad niya ng mga bagay-bagay tungkol sa pamilya nila ni Kristie.
“Alam mmo ‘pre…” At kinabig niya ako sa braso na parang nagsasabing pakinggan ko siyang mabuti. “Alam mmo bang mmagastos ‘yang si Kristie? High mmaintenance ‘yan, pare ko..”
Tahimik lamang akong nakamata kay Fred. Nasasabik akong malaman ang mga lihim ni Kristie.
Nariyan ang gastos sa ‘nose job’, areglo sa mmata, ngipin, ‘hair extension’, at ‘breast implant’. Aba`y mmamumulubi ang mmakakasama niya sa bbuhay. Buti bbinata pa ‘ko hanggang ngayon at nnatutulungan ko siya sa kkanyang luho.
“Nariyan din ang kanyang rregular mmaintenance – body mmassage, wwaxing, ppedicure, mmanicure, sspa, at pagbisita ssa sikat na hair ssalon. Ang isa pang ‘weakness’ niya ay mga designer na ssapatos, alahas, bbag, ddamit, ppabango, at abubot sa kkatawan. Kung di nga lang bbilin ni ermat…”
May himutok ang tono ng bawat salitang binitiwan ni Fred. Matagal na sigurong kinukulong niya sa dibdib ang kanyang sama ng loob at ngayon lamang siya nagkaroon ng pagkakataon na maihinga sa ibang tao ang lahat.
Ngayon ay may maiitim na aninong nagsisimulang lumambong sa aking isip. May pag-aalinlangan na nagsisimulang magsupling sa aking puso na umaagnas ng aking paninindigan.
“Mahal ko kaya si Kristie dahil lamang sa panlabas niyang kagandahan? Paano kung kumulubot na ang kanyang balat at manguluntoy na ang mga bagay-bagay na aking kinababaliwan sa kanyang katawan? Paano kung mawala na ang coca-cola niyang katawan? Paano kung mag-amoy lupa na siya tulad ng lahat ng tumatandang tao? Mahalin ko pa rin kaya siya?”
Inalog ni Fred ang kamay ko na parang ginigising ako sa aking pagkawala sa sarili. At tumawa siya na parang nangangantiyaw.
“NNatakot ka na yyata sa mga kkuwento ko ttungkol kay Kristie,” bulalas niya.
“Pag-isipan mo ‘pre. Kung kkursunada mo ttalaga ang kkapatid ko, ppakasalan mo. Kung hhindi ay isasama ko ssiya sa MMontreal.”
Magdamag akong hindi nakatulog ng gabing iyon. Tila multong tumatakot sa akin ang pagiging ‘high maintenance’ ni Kristie.
“Bakit ka magpapakatanga sa isang babae lang? Be smart. Iwasan mo siya,” udyok ng isip ko.
“Mahal mo siya, di ba? Sundin mo ang iyong kalooban,” sulsol naman ng puso ko.
Kinabukasan ng gabi ay nagsadya ako kina Kristie. Naroon si Fred at nanunuod ng hockey.
Namumugto ang mga mata ni Kristie. Hindi ko alam kung bakit. Marahil ay sinabihan na siya ni Fred na lilipat sila ng Montreal.
“Kung gayon ay mahal ako ni Kristie,” bulong ko sa sarili. “Kung hindi ay hindi niya iiyakan ang paghihiwalay namin.” Iyon ay sapantaha ko lamang. Maaaring may ibang dahilan.
Dinukot ko sa bulsa ng aking pantalon ang isang kahita. At tulad sa isang eksena sa pelikulang ‘Pretty Woman’ ay nag-‘kneel down’ ako sa harap ni Kristie.
“Will you marry me?” sabi ko sa matatag na tinig.
Iyon lamang at niyakap ako ni Kristie nang mahigpit.
_______________________________________
RELATED STORIES
LATEST HEADLINES
COMMUNITY NEWS
NOTICE TO MEDIAPINOY STORIES
Hacking a Pinoy Christmas abroadPINOY SPIRIT
HAVE YOUR SAY
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.PROMOTIONAL BLOCK
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.TRAVEL NEWS
PINOY TOONS
Tags
Archives