Publisher's Note

  • Publisher’s Note

    Dear Kababayans, I hope you are all doing well this April and are keeping safe and healthy during this trying time. Last month we saw businesses closing down and workers getting laid off because of the economic shutdown that was created by the Coronavirus Pandemic. This puts a lot of stress on people as bills just [...]

    Read full post »


Visitors to Pinoytimes

Start of StatCounter Code End of StatCounter Code


Page added on April 19, 2011

Email this to a friendEmail This Post Email This Post                      Printable versionPrint This Post Print This Post

TADHANA

ni Roger Encarnacion

Ingat.” Ang tinig ay malambing, matapat, at may lakip ng pag-aalaala’t pagmamahal. Si Edna, ang bagong ‘girlfriend’ ni Rey, ang may-ari ng tinig na iyon.

Parang sirang plakang paulit-ulit na umuukilkil sa isip ni Rey ang paalaala ni Edna habang nagda-‘drive’ siya sa madilim na daan palabas ng Calgary

Galing sila nang gabing iyon sa isang ‘dinner-dance’ na ginanap sa isang sikat na ‘hotel’ sa Calgary. Matapos niyang maihatid si Edna sa inuuwian nitong ‘apartment’ ay dumaan muna si Rey sa ‘seven-eleven store’ para bumili ng ‘phone card’. Tatawag siya sa Pilipinas, iyon ang balak niya, sa kanyang asawa’t anak. Hindi alam ni Edna na si Rey ay may pamilya sa Pilipinas.

Maghahating-gabi na at malakas ang bagsak ng ulan. Ang daang tinatahak ni Rey ay tungo sa isang liblib na pook sa labas ng Calgary na kung saan siya namamasukan bilang katulong sa isang rancho.

Ang bahay na tinutuluyan niya sa rancho ay nakatirik sa isang ilang na lugar, may dalawampung kilometro mula sa ‘boundary’ ng Calgary, pa-hilaga. Mula sa Highway 2, liliko siya pakanan upang magsimula sa madilim na kalsadang ang kapaligiran ay mistulang sementeryo. Kung tatanawin sa malayo, ang naturang bahay ay maihahalintulad sa pinagkakatakutang bahay sa pelikulang ‘Psycho’. Pero gayunpaman, nagtitiis si Rey na tumigil doon sapagkat iyon ang hinihingi ng kanyang trabaho.

Nagsisimula nang magbaha sa daang tinatalunton ni Rey. At kahit na mabilis ang palis ng kanyang ‘wiper’ sa ‘windshield’, bahagya na niyang maaninaw ang landas na kanyang dinaraanan. Sa malayo, ang sanga-sangang kislap ng kidlat sa pusikit na karimlan ay naghahatid ng pangamba sa kanyang dibdib sapagkat waring nagbabadya ng napipintong panganib.

Kinapa ni Rey ang ‘phone card’ na nasa bulsa ng kanyang kamisadentro. At naalaala niya ang kanyang asawa’t anak. Tiyak na matutuwa ang mga ito kapag nalaman na may ipinadala siyang ‘door-to-door’ na kahon na naglalaman ng mga kending tsokolate, laruan, pagkaing de-lata, kagamitang pang-kusina, at mga damit.

Tuwing maiisip ni Rey ang kanyang asawa’t anak ay tukso namang pumapasok sa utak niya ang larawan ni Edna. At kanyang maaalaala ang mga katangian nito na hindi niya natagpuan sa kanyang asawa – mahusay magluto, magarang magdamit, karinyosa. Kapag yumuyupyop si Edna sa dibdib niya at kanyang nasasamyo ang mahinhin nitong pabango ay nalulusaw ang kanyang pangako sa sariling hindi siya titingin sa ibang babae kapag nasa Canada na siya.

Paano nga ba niya naging ‘girlfriend’ si Edna? Hindi naman niya niligawan ito. Nagka-intindihan sila na walang salitang namagitan sa kanila tungkol sa pag-ibig. Pakiramdaman lamang. Tinginan lamang, at nagkaunawaan na agad sila. Pero, naniniwala si Rey na siya’y nadala lamang ng silakbo ng kanyang damdamin, na natural lamang sa isang lalaking katulad niya – na napawalay sa asawa nang matagal – ang magkagayon kapag nilapitan ng tukso. Nalulungkot lamang ba siya at nangungulila sa kanyang asawa kung kaya niya pinasok ang magulong triyanggulo ng pag-ibig?

Nasa gayong pagmumuni-muni si Rey nang biglang bumulaga sa kanyang paningin ang humahagibis na trak pasalubong sa kanyang sasakyan. Marahil ay nadulas ito dahil sa kundisyon ng kalsada o dahil sa nakatulog ang ‘driver’ nito. Bigla niyang tinapakan ang kanyang preno sabay kabig sa manibela. Pero, huli na ang lahat.

Sa salit ng isang kisap-mata’y nakita ni Rey ang magkadugtong na hibla ng liwanag at dilim. Ang nakabibinging ingay ng pinagsalpok na mga bakal ay tila kidlat na gumuhit sa kanyang kamalayan. At kasabay ng pagkapawi ng liwanag sa kanyang pananaw ay naramdaman niya ang pagtilapon ng kanyang katawan sa matigas na aspaltong daan, ang paggulong nito ng ilang ulit sa mababaw na sangha, at ang marahas na paghampas ng kanyang ulo sa posteng bakal na nakatirik sa gilid ng daan.

Mula sa malayo, ang kalansay ng umuusok niyang sasakyan ay piping saksi sa malagim na sakunang naganap.

“Bakit ako, Diyos na mahabagin?” usig ni Rey na unti-unti nang tinatakasan ng kamalayan. Duguan ang kanyang mukha at manhid ang buo niyang katawan. “Marami pa akong mararating. Dalawampu`t walong taon pa lamang ang aking sariwang katawang sabik sa kaaliwan ng mundo.”

Nasa gayon siyang paghihinagpis nang bigla na lamang binulag siya ng nakasisilaw na liwanag mula sa ‘headlights’ ng rumaragasang SUV. Marahil ay hindi napansin ng ‘driver’ ng SUV ang sasakyan ni Rey na bahagyang nakaharang sa kalsadang pinangyarihan ng aksidente. At sa pagtatangkang makaiwas ng ‘driver’ ay nawalan ito ng kuntrol at nagtuloy-tuloy sa sanghang kinasasadlakan ni Rey. Tulad sa isang mabangis na hayop – umaangil at naninindak – walang awang binunggol ng SUV ang ulo ni Rey na nakasangkalan sa posteng bakal.

Isang kisap-mata at isang buhay ang inangkin ng malagim na kamatayan. Isang iglap, at ang abuhing utak na naglalaman ng di malirip na yaman ng isip ay sumambulat sa mahahabang damo sa paligid ng sangha. Ang tilamsik ng pira-pirasong laman at dugo ay tutuyuin ng araw, magiging alabok at ililipad ng hangin sa kawalang-hanggan.

“Ang utak ang tinggalan ng aking nakaraan, ang aklat na nagtataglay ng lihim ng aking pagkatao. At doo’y nakalimbag ang bawat sandali ng aking pagkabigo at pagtatagumpay, ng aking kaligayahan at kalungkutan, ng aking mga pagkakasala at kabutihang-loob. Ang utak ang nagbigay ligaya sa aking puso nang unang mamalas ko ang iyong kagandahan, nang unang magtama ang ating mga mata para simulan ang isang magandang historia de un amor. Subalit ang utak ding iyon ang nagbawal sa aking mahalin ka nang lubusan sapagkat mayroon nang nagmamay-ari ng aking puso.”

Isang kisap-mata at sa pagitan ng buhay at kamatayan ay parang kidlat na gumuhit sa balintataw ni Rey ang isang makulay na bahagi ng kanyang nakaraan.

Simbahan ng St. Patrick. Pang-alas nuebeng misa ng Linggo.

“Let’s offer each other a sign of peace,” amuki ng pare sa mga parisyonerong naroroon. At ang babaeng nasa unahan niya ay nakangiting nakipag-kamay sa kanya.

“Peace be with you,” ang sabi.

“Peace be with you,” ganti niya.

Iyon ang unang pagkikita nila ni Edna.

Hindi talaga simbahan ni Rey ang St Patrick Church. Napadpad lamang siya roon dahil naimbita siya ng isang kaibigan na kumakanta sa koro ng naturang simbahan.

Nang matapos ang misa ay hugos na ang lahat sa pag-uwi. Ngunit ang linya ng mga tao palabas ay bahagya nang tuminag. May bagyo pala nang araw na iyon at napakalakas ang ulan. Ipinasiya ni Rey na maghintay-hintay muna sa loob ng simbahan.

Noon niya napansin ang katabi niyang babae na nakahalukipkip. Naghihintay din marahil ng pagtila ng ulan.

“Peace be with you,” nakangiting sabi ni Rey sa katabi. Tumingin sa kanya ang babae at halatang nabigla.

“Kamusta. Ako ang nasa likuran mo kanina.”

Muli siyang sinulyapan ng babae. Ngunit ngayon ay nakasilay na ang mahinhing ngiti sa kanyang mga labi.

“Matagal ka na sa Calgary?” usisa ni Rey. Gusto niyang makipagkwentuhan sa babae habang naghihintay ng paghupa ng ulan.

“Kararating ko lang, no’ng nakaraang buwan,” mahinang sagot ng babae.

“Ako’y magdadalawang taon na rito. Pero hindi ko tiyak kung gusto kong tumira rito ‘for good’. Malungkot ang buhay sa Calgary.”

“Okey na rin dito dahil maraming oportunidad para kumita, para umasenso,” paliwanag ng babae. “Kung sa atin ka lang at maraming umaasa sa ‘yo, mahirap mabuhay. At ‘yung lungkot, nasa tao ‘yon.”

Mahigit na kalahating oras silang nagkwentuhan. Kung saan-saang paksa napadako ang kanilang usapan – sa pamilya, Pilipinas, pulitika, trabaho, buhay-buhay sa Calgary at iba pa. Hindi naglaon ay naging palagay na ang loob ng babae kay Rey.

Nang mga sandaling iyon ay nagsisimula nang maghugos ang mga tao palabas sa simbahan. Naghunos na ang ulan. Pero ang ihip ng hangin ay hindi nagbabawa at ang malakas na ulan ay naging ambon.

“May sasakyan ako, kung wala kang ‘ride’,” masayang pahayag ni Rey sa kausap. Naisip niya na isang buwan pa lang ang babae sa Calgary at malamang na wala pang sariling  sasakyan.

“Ihahatid na kita.”

“Naku, hindi na, salamat na lang. May ‘bus’ naman, eh. Saka may pupuntahan pa ako,” pagdadahilan ng babae.

“O, sige, hanggang sa muli nating pagkikita.” At kinamayan niya ang babae.

Bago sila naghiwalay ay nagpakilala muna si Rey sa kausap.

“Siyanga pala, ako si Rey… Rey del Mundo.”

“Ako naman si Edna… Edna Manlangit.”

At nagpalitan sila ng phone number at email address.

Isang iglap at ang pira-pirasong bahagi ng utak na sumampid sa dahon ng damo ay magiging walang silbing basura na lalangawin at mabubulok. At ang bawat himaymay ng maliliit na bahaging iyon na nagtatago ng laksa-laksang damdamin at libo-libong pangarap ay magiging alabok na tutunawin ng ulan at aanurin ng maliliit na agos ng tubig.

Isang iglap at ang larawan ni Edna ay kisap-matang mawawala. At sa muling pagdating ng liwanag ay larawan naman ng asawa’t anak niya ang papalit.

“Paglalabanan ko ang tukso. Hindi ako ang magiging dahilan ng iyong kalungkutan. Sapagkat walang lakas at agwat na makapagpapabago ng pagmamahal ko sa iyo.”

Sa bawat himaymay ng nagkalasog-lasog na utak, maaari kayang piliin ang bahaging nagmamahal, ang bahaging nagsasabi ng katapatan, ang bahaging nagtataksil upang sa nabuong larawan ay makita ang tunay na mukha ng buhay?









RELATED STORIES

  • No Related Post


LATEST HEADLINES

COMMUNITY NEWS

UNDER A “NEW NORMAL,” PCG IN CALGARY RESUMES PASSPORT SERVICES thumbnail UNDER A “NEW NORMAL,” PCG IN CALGARY RESUMES PASSPORT SERVICES
Canada turning to foreign airlines to bring home citizens stranded by pandemic thumbnail Canada turning to foreign airlines to bring home citizens stranded by pandemic
Calgary shopping malls adopting safety measures ahead of Thursday’s planned reopening thumbnail Calgary shopping malls adopting safety measures ahead of Thursday’s planned reopening
Announcement from The Philippine Consulate General in Calgary thumbnail Announcement from The Philippine Consulate General in Calgary

PINOY STORIES

Over 22 million students now gearing up for school – DepEd thumbnail Over 22 million students now gearing up for school – DepEd

HAVE YOUR SAY

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.

PROMOTIONAL BLOCK

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.

TRAVEL NEWS



PINOY TOONS


Tags