Publisher's Note
Dear Kababayans, I hope you are all doing well this April and are keeping safe and healthy during this trying time. Last month we saw businesses closing down and workers getting laid off because of the economic shutdown that was created by the Coronavirus Pandemic. This puts a lot of stress on people as bills just [...]
Visitors to Pinoytimes
Page added on January 25, 2012
ni
Roger Encarnacion
“Bakit gusto mong manirahan sa Canada?” tanong ng Canadian Consul kay Hector habang ini-interview siya nito sa loob ng maaliwalas na upisina ng Canadian Embassy sa Makati. Nakatitig nang walang kurap ang mga mata ng Consul kay Hector na waring inaarok ang kaniyang kalooban. Isang saglit na napapatda si Hector. Hindi niya inaasahan ang tanong na iyon. Hindi niya pinaghandaan ang tanong na iyon. Sa utak niya, parang kidlat na gumuhit ang naghuhumiyaw na dahilan kung bakit siya naroroon, kung bakit gusto niyang makarating ng Canada: “Para kumita ng maraming pera, para umasenso, at para mabigyan ng magandang kinabukasan ang aking pamilya. Hindi ba iyon ang layon ng bawat isang nagpupunyaging makarating ng Canada?” Pero hindi iyon ang mga katagang lumabas sa bibig ni Hector. Bagkus ay narinig niya ang sariling nagsasabi ng marikit na kasinungalingan: “Para ibahagi ang aking karanasan, talino, at kaalaman sa lipunan ng Canada tungo sa lalo pang ikauunlad nito.” Napangiti ang Consul at tumangu-tango na waring nasisiyahan sa sagot ni Hector.
Hindi talagang ambisyon ni Hector ang mangibang-bansa. Kuntento na siya sa pagiging isang supervisor sa isang engineering company sa Cavite. At kahit na talos niyang hindi maipagyayabang ang kaniyang suweldo, hindi naman sumasala sa oras ang kaniyang pamilya. Higit sa lahat, hindi pa niya naranasan ang magipit sa pera kahit kailan. Hindi nga lamang niya kayang bilhin nang biglaan ang mga bagay na gusto niyang bilhin. Katunayan nga ay sampung taon siyang nag-ipon bago niya nabili ang isang luma ngunit disenteng bahay sa labas ng Tagaytay. At ang kaniyang kotse ay segunda-mano lamang nang kaniyang mabili.
Pero kahit na hindi matatawag na mariwasa ang lagay ng buhay ni Hector at ng kaniyang pamilya, masaya na rin siya. Nakapaggugudtaym siya paminsan-minsan kasama ng kaniyang barkada. At ang kaniyang maybahay na isang titser naman ay panatag na rin ang loob sa takbo ng kanilang pamumuhay.
Kaya lamang ay lagi siyang nakakantiyawan ng tiyo Kanor niya. Na nang lumaon ay tumimo sa kaniyang isip at naging hamon sa kaniyang kakayahan at pagkatao.
“Tingnan mo ang bunso mong kapatid na si Rico,” sasabihin ng kaniyang tiyo Kanor, “ayun, nagpunta ng Canada. Pitong taon pa lamang doon ay nakabili na ng malaki at magarang bahay. At balita ko’y tuwing tatlong taon ay nagpapalit ng sasakyan at ngayon ang minamaneho ay mamahaling Chedeng.” Mapapabuntung-hininga na lamang si Hector at matatahimik kapag naririnig niya ang pagyayabang ng kaniyang tiyo Kanor tungkol sa pagtatagumpay ng kapatid niyang si Rico sa Canada.
Si Rico ay isang engineer, ambisyoso, malakas ang loob, at magaling ang bokadura. Dalawang taon pa lamang itong namamasukan sa Meralco ay agad nang nagbitiw para pumunta ng Canada. Suwerte naman at napasok siya sa isang malaking engineering consulting firm sa Calgary. Gayundin ang asawa niyang si Mona na natanggap naman bilang isang medical technologist sa Foothills Hospital. At nagpa-part time pa ito sa isang insurance company sa ganoon ding trabaho. Hindi kataka-takang umasenso nang gayon na lamang ang mag-asawa sa loob lamang ng pitong taon.
May kung anong iba’t ibang damdamin ang kumukutkot sa dibdib ni Hector kapag ikinukumpara siya ng kaniyang tiyo Kanor sa kaniyang kapatid na si Rico. Iyon kaya’y dahil sa nasasaling ang maramdamin niyang puso tuwing maririnig niya ang pangangantiyaw ng kaniyang tiyo Kanor? Pagka-inggit sa tinamong pagtatagumpay ni Rico? Pagkaawa sa sarili at sa kaniyang pamilya sa hindi nila pagkakaroon ng mariwasang pamumuhay?
Pareho silang tapos ng engineering ni Rico, pero magkasalungat ang paniwala nila sa buhay. Para kay Rico, ang tunay na batayan ng pagtatagumpay ay kung paano naiaagapay ng isang nilikha ang kaniyang sarili sa kinikilalang pamantayan ng daigdig sa punto ng pananagana at pagtatamasa na nasusukat lamang sa antas ng materyal na mga bagay na nakikita at nararanasan, hindi ng makalumang pilosopya ng buhay na nagbibigay halaga sa katiwasayan at kapanatagan ng loob at sa walang hanggang kaluwalhatian ng kaluluwa.
Kapag sumasagi sa alaala ni Hector ang pangangantiyaw ng tiyo Kanor niya, kaniyang nagugunita ang matalinghagang aral ng isang magandang kwentong nabasa niya mula sa panulat ni Leo Tolstoy na pinamagatang “Gaano Kalaking Lupa ang Kailangan ng Tao?”
Ang istorya ay umiikot sa isang magsasaka na ang tanging lunggati sa buhay ay mag-angkin ng maraming lupain gayong nag-aari na siya ng malaki-laki na rin namang sakahan.
Isang araw ay nabalitaan ng nasabing magsasaka na namimigay ang gubyerno ng lupa sa isang panig ng bansa na hindi pa nasasakupan ng mga tao. Ang layunin ay upang mapagyaman ang lupaing ito para maging kapaki-pakinabang sa gubyerno at sa mga mamamayan.
Kagyat na nagpaalam ang magsasaka sa kaniyang pamilya para harapin ang naghihintay niyang magandang kapalaran sa malayong dako ng bansa. Ngunit may mga alituntunin na dapat sundin bago ipagkaloob ang lupa. Sinasabing mapapasakaninuman ang sakop ng lupa na kaniyang malalakaran mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa pagkawala ng huling silahis ng takip-silim. Subalit kung hindi niya mabubuo ang parisukat bago lumubog ang araw ay wala siyang matatanggap na lupa. At wala rin siyang maaasahang ikalawang pagkakataon sa gubyerno.
Nang gabing iyon ay namahinga nang maaga ang magsasaka. Ibig niyang ipunin ang kaniyang lakas para sa napipintong pagsubok sa kinabukasan.
Bago pa lamang pumuputok ang araw sa silangan ay nakapuwesto na ang magsasaka sa isang piling lugar. Tinusukan niya ng istaka ang lupang kaniyang kinatatayuan bilang palatandaan na doon siya magsisimula at doon din siya magtatapos.
Hinay-hinay lang sa simula ang lakad ng magsasaka dahil gusto niyang kunserbahin ang kaniyang lakas. Ang kaniyang plano ay lumakad nang pa-hilaga para makita niya sa kaniyang kanan ang pagtaas ng araw mula sa silangan.
Habang lumalaon ay paganda nang paganda ang lupang tinatahak ng magsasaka. At habang gumaganda ang lupang nakikita niya ay pabilis nang pabilis din ang kaniyang mga hakbang, marahil ay kasing-bilis ng pintig ng kaniyang pusong nagagahaman sa mayamang lupang kaniyang natatanaw. Matapos ang mahabang paglalakad, naisip ng magsasakang panahon na para siya lumiko pa-silangan. Pero nanghihinayang siya sa mayamang lupang naaabot ng kaniyang tingin. May oras pa marahil para sa kaunti pang hakbang, naisip niya, kaya nagpatuloy siya sa paglakad.
Ang araw ay halos nasa tuktok na ng langit. “Hanggang dito na lamang at liliko na ako; baka magahol ako sa panahon”, bulong ng magsasaka sa sarili. At lumihis siya pa-silangan matapos niyang malagyan ng istaka ang lugar na iyon.
Ang init ng araw ay patindi nang patindi. Ang suot na kamiseta ng magsasaka ay basa ng pawis at nakadikit na ito sa kaniyang katawan. Nagsisimula nang bumigat ang kaniyang mga paa. Pero ang paghahangad niyang makakamkam ng malaking lupa ang nagbibigay-lakas sa kaniyang katauhan.
Mahaba na ang kaniyang nalalakbay pa-silangan at hindi na niya matanaw ang kaniyang pinanggalingan. Oras na para siya lumiko pa-timog pero nanghihinayang siya sa napakayamang lupang naabot ng kaniyang tingin.
“Kaya ko pa,” pampalakas-loob niya sa sarili. “Ilang hakbang na lang, ilang hakbang na lang…”
Nang ipinasiya niyang lumiko pa-timog, ang kaniyang mga labi ay tuyung-tuyo na sa pagka-uhaw. Ang kaniyang baga ay sumisigaw sa matinding kirot dahil sa nalalanghap niyang mainit na hangin at ito’y unti-unting gumagapi sa katatagan ng kaniyang loob. Sa unang pagkakataon ay nakaramdam ng takot ang magsasaka. Takot na baka hindi niya marating ang dulo ng kaniyang nilalakbay dahil sa hirap na dinaranas ng kaniyang katawan. Ngunit paano ang kaniyang pangarap?
Pinunasan ng magsasaka ng manggas ng kaniyang kamiseta ang mukha niyang basa ng pawis at saka ipinukol ang paningin sa malayo. Naroroon ang matabang lupang pangarap niya at nanunuksong kumakaway sa kaniya.
“Pagkatapos ng araw na ito,” pampalubag-loob na paalaala niya sa sarili, “makapagpapahinga na ako hanggang gusto ko. Pero kailangang tapusin ko muna ang pagsasakripisyo kong ito sapagkat ito ang magbibigay sa akin ng walang katapusang kasaganaan.”
Ang araw ay unti-unti nang bumababa sa kanluran nang ipasiya ng magsasakang lumiko at tahakin ang landas para sa huling yugto ng kaniyang paglalakad. Makaraan pa ng maraming sandali ay natatanaw na niya mula sa kaniyang kinatatayuan ang pook na kaniyang pinagmulan. Ngunit ito ay maliit na banaag lamang, isang munting butil na hindi niya mawari. Upang marating niya ang lugar na iyon bago lumubog ang araw, kinakailangang bilisan niya ang kaniyang mga hakbang at kung magagawa niya ay kailangang tumakbo siya. Ngunit ang kaniyang mga paa ay nanghahapdi na at waring may nakakadenang mabigat na bato.
Nagpilit pa rin siyang makalakad kahit paika-ika. Nakita niya ang mga tao sa gilid ng daan. Nakangisi ang marami at ang iba’y nagtatawa sa kaniyang kahangalan. Naiisip niya, “Pagkatapos kong makuha ang lupa ko, ako naman ang magtatawa sa inyo.”
Ilang saglit na lamang at magtatago na ang araw sa lundo ng langit sa dulo ng malayong kapatagan. Ang magsasaka ay ilang hakbang na lamang ang layo sa unang istakang itinusok niya sa lupa ng umagang iyon.
Kasabay ng pagkapawi ng liwanag ng araw sa kapaligiran, paduhapang na naabot ng magsasaka ang istaka, pagpapatunay na nabuo niya ang parisukat ng lupang magiging pag-aari niya. Malawak at matabang lupa na kaniyang-kaniya lamang. Ah, kaytamis ng tagumpay!
Ngunit ang kaligayahang sumanib sa katauhan ng magsasaka ay sasang-iglap lamang. Nang bumagsak ang kaniyang pagal na katawan sa matigas na lupa ay pinanawan siya ng diwa at tuloy binawian ng buhay.
Napakaganda at napapanahon ang leksyon ng kuwentong ito sa pangkasalukuyang henerasyon, naiisip ni Hector. Sa kasamaang palad, ang nasabing leksyon din ang gumagambala sa kaniyang kunsiyensiya habang hawak niya ang katatanggap pa lamang niyang immigrant visa mula sa embahada ng Canada.
Tahimik na pumasok ng bahay si Hector at itinago niya sa isang drawer ang hawak na mga papeles. Naupo siya at tumanaw sa labas ng bintana, doon sa luntiang halamanan, doon sa mga bulaklak na nasisikatan ng malagintong sinag ng araw, doon sa kalawakan ng langit na may nakalutang na puting ulap. Marahang sumandal si Hector sa silyang kaniyang inuupuan. At isang matatag na pasiya ang nabuo sa kaniyang isip. Hindi niya ipagpapalit ang Pilipinas sa Canada.
Kinuha niya ang mga papeles sa drawer at pinunit ang mga iyon. Ngayon ay natitiyak niyang hindi na siya muling mababagabag sa mga kantiyaw ng kaniyang tiyo Kanor.
RELATED STORIES
LATEST HEADLINES
COMMUNITY NEWS
UNDER A “NEW NORMAL,” PCG IN CALGARY RESUMES PASSPORT SERVICESPINOY STORIES
Over 22 million students now gearing up for school – DepEdHAVE YOUR SAY
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.PROMOTIONAL BLOCK
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.TRAVEL NEWS
PINOY TOONS
Tags
Archives