Publisher's Note
Dear Kababayans, I hope you are all doing well this April and are keeping safe and healthy during this trying time. Last month we saw businesses closing down and workers getting laid off because of the economic shutdown that was created by the Coronavirus Pandemic. This puts a lot of stress on people as bills just [...]
Visitors to Pinoytimes
Page added on February 27, 2012
ni Roger Encarnacion
______________________________________
“Natutuwa ako sa iyo, Vicente. Kakaiba kasi ang kaisipan mo. Nakikita mo ang magaganda at mga pangit na mukha ng buhay nang walang alinlangan.”
Si Vicente ay isang kapalagayang-loob ko. Isa siyang empleyado ng Superstore at nakatalaga sa grocery section.
Alam kong sinusubaybayan ni Vicente ang aking mga kwento sa Pinoy Times dahil tuwing magkikita kami ay hindi niya nakakalimutang banggitin sa akin na nabasa niya ang aking kwento. Pero lagi niyang ipinaparamdam na hindi siya kumporme sa mga kwento ng pag-ibig at makabuluhang aral sa buhay na laging paksa ng aking mga kwento.
“Bakit hindi mo ilarawan paminsan-minsan ang kapangitang nakapaligid sa ating lipunan?” sasabihin ni Vicente sa akin.
“Halimbawa’y ano?” usig ko.
“Tulad ng mga nakakatawa at nakakayamot na kaakuhan ng pang-araw-araw na galaw ng buhay sa ating paligid.”
“Kung gayu’y gusto mo akong maging kontrobersyal?” sabi ko. “Hindi pa ba sapat sa iyo na naipipinta ko sa aking mga pagsasalaysay ang kagandahan ng mga punong niyog na nakahanay sa dalampasigan ng isang liblib na nayon?” patalinghaga kong tanong. “At ibig mo pang yugyugin ko ang mga punong niyog na iyon para mapaiba sa karaniwan ang aking kwento.”
“Hindi naman sa ganun,” pagdedepensa ni Vicente. “Para sa akin, hindi tama na lagi na lamang ang kagandahan ng daigdig ang ating nakikita. Sapagkat paano mo malalaman na maganda ang isang bagay kung walang pangit na mapagbabasihan? Paano mo matutuklasan ang mabuti kung hindi mo alam ang masama? Paano magkakaroon ng bida kung walang kontrabida? Ganyan ang kalakaran ng daigdig na ating ginagalawan. Kailangan bang itago natin ang mga barung-barong ng Maynila at ipakita lamang ang mga esklusibong subdivision doon para masabing maganda ang Maynila?”
Nagsisimula na akong humanga sa tayug ng isip ni Vicente.
Sa tingin ko ay hindi pa siguro nakakatikim ng pighati sa buhay si Vicente. Sa simula pa lamang ng aming pagkikilala ay natuklasan ko na agad na siya’y isang nilikhang masayahin at may magandang PR. Lagi siyang nakangiti sa amin kapag nag-gro-grocery kami ni Mrs. At hindi niya nakakalimutang huntahin kami kahit ilang saglit kapag napapadako kami sa lugar niya.
Isang araw ay nautusan ako ni Mrs na bumili ng isdang pang-sigang. Naroon si Vicente at nagsasalansan ng mga kahon ng mangga. Nang makita niya ako ay agad niya akong kinawayan. Tulad ng dati ay tumalima ako sa kaway niya.
“Alam mo ba na ang ilang kababayan natin ay kandaduling na sa pagpili ng pinakamagandang mangga sa magkakapatong na box na ito?” nakangiting pahayag ni Vicente sa akin.
“Siyempre,” sabi ko, “karapatan nilang pumili ng maganda’t hinog na mangga. Ganyan tayong lahat, di ba? Gusto natin ang pinakamagandang mangga, ang pinakamagandang saging, ang pinakamagandang mansanas.”
Sinansala ni Vicente ang iba ko pang sasabihin. “Pagpapatunay lamang,” aniya, “na totoong may pangit na mangga, may pangit na saging, at may pangit na mansanas batay sa panlabas nilang kaanyuan.”
“Tama,” patianod ko.
“Mali ka kaibigan.” At tumawa si Vicente. “Nalimutan mo na yata na ang ganda ng bawat bagay ay nasa mga mata ng tumitingin!”
Tumaas ng ilang puntos ang paghanga ko kay Vicente sa kaniyang malohikang pagmamasid. At dahil sa nakikita niya nang maliwanag ang maganda at pangit, marahil ay mainam ang kaniyang panlasa sa pagpili ng anumang bagay, kasama na rito ang pagpili ng babaeng makakasama niya sa buhay. Naiisip ko tuloy na marahil ay napakaganda ng kaniyang Mrs.
Magpapaalam na sana ako para pumunta sa fish section, ngunit mukhang ganado sa pagsasalaysay ang aking amigong si Vicente.
“Maaga pa, huwag ka munang umalis at magkwentuhan muna tayo,” anyaya niya.
Napilitan akong magpalipas pa ng ilang sandali sa fruit section para makipag-tsikahan kay Vicente.
Kinalabit ni Vicente ang braso ko. Siguro’y ibig niyang makatiyak na ang atensyon ko ay nasa kaniya sa kaniyang sasabihin.
“Alam mo ba na ang pagkanta at pagsusulat ay may kinalaman din sa maganda at pangit?” bulalas ni Vicente. Ang mga mata ni Vicente ay puno ng emosyon sa paksang kaniyang tinatalakay.
“Marami sa ating kababayan ang kumakanta sapagkat nasa dugo na yata nating mga Pinoy ang pagkanta. Gayundin, marami tayong manunulat sa mga pahayagan sapagkat nasa ugat din natin ang hilig sa pagpapahayag ng nilalaman ng ating isip,” pahayag ni Vicente
Nakatingin ako nang walang kurap kay Vicente. Hindi lamang ang paksang tinatalakay niya ang nakakasabik kapag kausap ko si Vicente. Nakakabighani rin sa akin ang paraan ng kaniyang pagsasalita sa puntong Batangenyo. Ngayon ako naniniwala na mayroong tao talaga na biniyayaan ng Diyos ng pambihirang talino sa pagsasalaysay. At si Vicente ay isa sa mga iyon.
“Pero hindi lahat ng manganganta ay marunong kumanta,” patutsada ni Vicente. “Hindi lahat ng nagsusulat ay marunong sumulat.” May pakumpas-kumpas pa ng kamay si Vicente habang nag-aargumento sa sarili niyang paksa. “Kung nakakahindik pakinggan ang mga kantang masakit sa tainga ay may mga lathalain din na nakakapanindig-balahibo ang pagkakasalansan ng mga salita lalo na’t isinulat ito sa banyagang wika na hindi pa gaanong gamay ng nagsusulat.”
“Aray,” sabi ko. “Baka ako na ang tinutukoy mo niyan?” paramdam ko.
Ngumiti lamang si Vicente at medyo kumindat sa akin. “Hindi ka naman nagsusulat sa Ingles ah.” At tumawa siya nang malakas.
Ilang linggo ang matuling lumipas nang mapansin namin ni Mrs na palaging wala si Vicente sa dati niyang puwesto kapag namimili kami. “Baka nagbabakasyon lamang,” paliwanag ko kay Mrs. Ngunit nang magtagal ay hindi na ako nakatiis. Kinausap ko ang isang binatilyong nagsasalansan ng mga saging.
“Nasaan si Vicente?” tanong ko.
“Naku, sir, may nangyari po sa kaniya.” Kinabahan kami ni Mrs.
“Bakit, naaksidente ba siya?”
“Hindi po. Matagal na po siyang may cancer. At kagabi po ay binawian na siya ng buhay.”
Pareho kaming natigagal ni Mrs. Para kasing miyembro na ng aming pamilya ang turing namin kay Vicente.
Tatlong araw pa ang nagdaan bago lumabas sa Calgary Sun ang obituary ni Vicente. Ang viewing ay sa Mountain View Memorial Garden.
Binalak namin ni Mrs na magsadya sa Mountain View para makiramay sa pamilya ni Vicente. At habang nagda-drive kami papuntang Mountain View ay naalaala ko ang mga kwento ni Vicente sa amin, ang magagandang pilosopya niya sa buhay, ang maselan niyang panlasa sa maraming bagay. Naalaala ko rin ang hindi niya pagkagusto sa aking mga kwentong tumatalakay sa pag-ibig at sa magagandang aral sa buhay.
Nang matapos ang misa na patungkol kay Vicente ay nilapitan namin ni Mrs ang kaniyang maybahay na nakaupo sa unahan ng kapilya. Nakatalukbong ito ng itim na belo.
Nabigla ako ngunit hindi nagpahalata nang makita ko ang maybahay ni Vicente. Ang inaasahan kong makikita ay isang mestisahing ginang na maputi, maganda, seksi, at bata pa batay sa magagandang pilosopya ng buhay na tinatalakay ni Vicente nang nabubuhay pa siya. Ngunit ang tumambad sa aking mga mata ay malungkot na mukha ng isang mataba at pandak na babae, maitim, at may malaking nunal sa ibabaw ng kaniyang balingusan. Sa biglang sabi, hindi maganda ang ginang ni Vicente. Ngunit nang magtama ang aming mga mata ay nasinag ko ang isang binusilak na katauhang nagkakanlong sa mataba at pandak na katawang iyon, katauhang may ganda at halina sa mga makakakita.
Marahil ay ito ang sinasabi ni Vicente na kailangang makita ang dilim para kuminang ang liwanag. Marahil, ito rin ang dahilan kung bakit sinabi niya sa akin noon na ang ganda ng anumang bagay ay nasa mga mata ng tumitingin.
RELATED STORIES
LATEST HEADLINES
COMMUNITY NEWS
UNDER A “NEW NORMAL,” PCG IN CALGARY RESUMES PASSPORT SERVICESPINOY STORIES
Over 22 million students now gearing up for school – DepEdHAVE YOUR SAY
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.PROMOTIONAL BLOCK
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.TRAVEL NEWS
PINOY TOONS
Tags
Archives