BAKIT?
sa panulat ni Chona de Jesus
Bakit nga ba may mga tanong? Mga tanong na di natin kayang sagutin dahil unang-una ay baka hindi makatarungan ang ating mga kasagutan. Mga kasagutan na maaring makasakit sa ibang tao at maging mapanira sa pananaw ng iba. Ngunit ang tao ay sadyang makasalanan, ang mga mata na mapaghusga sa mga nakikita at mga bibig na nagbibitiw na mga salitang walang basehan. Di ba tayo dapat mag-isip-isip kung anong mga lalabas sa ating mga pananalita? Palaging isipin na palaging may 2 panig na dapat kang timbangin bago ka magbitiw ng iyong sasabihin. Kung wala ka din lang mabuting sasabihin, mas mabuti pang manahimik ka na lang.
Bakit nga ba kailangang manira ka ng kapwa? Ito ba ay dahil sa sobrang inggit mo sa ibang tao na gusto mo silang sirain sa iba? Ito ba ay dahil di ka makapantay sa kung anong narating ng ibang tao? Ito ba ay dahil wala kang sariling pangalan na pwede mong ipagmalaki kaya pilit mong sinisira ang mga taong nakilala dahil sa kanilang pagsisikap? Hwag naman tayong ganyan mga kabayan, wag maging salot sa lipunan dahil sa ginagawang paninira sa kapwa. Para kang isang tinik sa lalamunan ng bawat Pinoy dito sa ating bayan. Ang inggit ay isa sa masamang ugaling hindi nawawala sa tao kahit ano pang nasyonalidad nito. Kahit saan ka pumunta, may mga taong mahilig magkimkim ng inggit at pagbalakan na sirain ang taong nagsikap para sa sarili nyang kaunlaran. Katulad ng sinabi ko, kung wala kang magandang masasabi sa iba, manahimik ka na lang.
Bakit nga ba hindi tayo magkaron ng pagkakaisa sa ating sariling bakuran? Bagong taon, bagong buhay, itapon ang hindi nakatulong sa iyo nung nakaraang taon at piliting baguhin ang ano mang dapat baguhin sa buhay para sa sariling kaunlaran. Maging totoo tayo sa ating mga sarili ng kung si Maria ay pinalad at gusto mong marating ang narating nya, ay gumawa ka ng sarili mong panantayan para marating mo ang narating nya. Pero wag mong balaking sirain si Maria, dahil ang mga bagay na may kasamang pag-iimbot sa kapwa ay walang mararating. Tandaan mo na ang kapalaran ni Maria ay hindi kapalaran ni Petra. Ang taong marunong magsikap sa matinong paraan ay may malayong mararating kesa sa mga taong bumubulusok at gustong maging kasimbilis ng kidlat sa pag-angat.
Sana po ay mga mga napulot tayong aral sa ating munting tanong na BAKIT?
Maligayang Bagong Taon at nawa’y maging maunlad ang ating mga buhay ngayong 2016!