Publisher's Note
The year just flew by, it ’s barely 45 days and we’re into 2019. It is amazing that with the change of season, that’s how fast we can feel that the year is almost over. We started getting snow here and there and yet we’re still in the fall season. Mid-October to early November was a [...]
Visitors to Pinoytimes
Page added on December 21, 2010
ni Roger Encarnacion
Cancer. Isang sakit na kinatatakutan ng lahat. Isang kasindak-sindak na sakit na walang sinisino mayaman man o mahirap, relihiyoso man o hindi, maganda man o pangit, matalino man o bobo. Sakit na bunga ng ating mapagwalang-bahalang pamumuhay sa langit ng modernong kaalwanan.
“Minsan lamang tayong mabuhay. Bakit titikisin ko ang aking sarili?” Ito ang palaging naririnig ko kay Pareng Benjie, isang dating kamag-aral ko sa ‘high school’, kapag napag-uusapan namin ang pag-iinom.
At si Pareng Norbert naman, isa ring dating kamag-aral ko sa ‘high school’ na sertipikadong ‘chain smoker’, ay malimit kong maringgan ng ganito: “Ang sigarilyo ay libangan ko na. Pag may sigarilyo ako sa bibig ay payapa ang kalooban ko at nakapag-iisip ako ng magagandang bagay.”
“Paalaala lamang mga pare ko, paalaala lamang,” pagdedepensa ko.
Disyembre 2006 nang ako’y huling umuwi ng Pilipinas. Kabababa ko pa lamang sa ‘jeep’ ay nakita kong naghihintay na sa kanto si Pareng Benjie. Kakaway siya sa akin at nakangiting sasabihin: “Nariyan sa Barangay si Pareng Norbert at Bayani. May handang konting salu-salo para sa iyo.” Alam ko ang ibig sabihin niyon. Nakahanda na ang mga pulutan. Hinihintay na lamang ang mga pasalubong kong Chivas at Johnny Walker.
Sabik ako sa barkada ko. Isa sila sa mga dahilan kung bakit ganado ako sa pag-uwi. Bawat apat na taon kasi ang pagitan ng aking pagbabalik-bayan. Kamustahan, kantyawan, tawanan – tanawing pinananabikan ko kapag umuuwi ako. At kasabay ng maingay at masayang kuwentuhan ay itutumba namin ang dalawang bote ng alak.
Pag wala nang mainom, magyayaya si Pareng Benjie sa isang ‘beer house’ sa kabisera ng aming lalawigan. May mga nagsisilbi roon na ang mga suot na damit ay nakapagpapalakas ng pintig ng puso. May mga babae ring puwedeng mahilingang maki-‘table’ sa grupo ng nag-iinuman para sumaya ang kuwentuhan. Maingay at mausok ang paligid. Maharot ang musikang pumapailanlang sa bulwagan at maharot din ang sayaw ng dalawang ‘dancer’ na naka-‘topless’ sa maliwanag na entablado.
Alas dos na ng madaling araw nang magkayayaan kaming umuwi ng aking barkada. Medyo lasing na si Pareng Benjie at madulas na ang dila. Ikinukwento niya ang asawa niyang OFW sa Canada na nabalitaan niyang may kinahuhumalingang isang diborsiyadong Pinoy. Nadama ko ang sakit na nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. Sa bahagyang sinag ng liwanag na nakatanglaw sa kanyang mukha, nakita ko ang namumuong luha sa kanyang mga mata.
Marahil ito ang dahilan kung bakit lalong nalulong siya sa pag-inom. At dahilan din upang siya’y humanap ng ibang babae.
Apat na taon ang matuling lumipas at muli ay gumayak akong magbalik-bayan. Ngunit ngayon, ang dahilan ng aking pag-uwi ay hindi lamang dahil sa gusto kong mag-Pasko sa Pilipinas sa piling ng matatanda ko nang mga magulang, kungdi upang makita rin sa huling sandali ang aking kumpareng si Benjie na inangkin na ng ‘liver cancer’.
Dahil sa pagiging aktibo ni Pareng Benjie sa Barangay at sa kanyang mahusay na pakikisama at pamumulitika sa mga nakapuwesto sa munisipyo, hindi ako nagtaka nang makita kong halos mapuno ng maraming tao ang aming simbahan nang siya’y ilibing.
Isang malapit na kamag-anak ang unang nagbigay ng makabagbag-damdaming ‘eulogy’ patungkol kay Pareng Benjie pagkaraan ng misa. May paiyak-iyak pa siya na tila ba malaking kawalan sa mundo ang pagkawala ni Pareng Benjie. Nangingiti ako sa mga papuring tinanggap ni Pareng Benjie. Marahil kung makakarating sa Papa sa Roma ang kabutihang ginawa niya nang nabubuhay pa siya ay malamang na gawin siyang isang santo nito.
Alam ko ang likaw ng pagkatao ni Pareng Benjie mula pa sa pagkabata. Kasama ko siya sa pangungupit ng mga manok sa looban kung wala kaming madilihensiyang pulutan. Pag siya ay lasing na ay kung anu-anong malalaswang salita ang lumalabas sa kanyang bibig.
May boses daw si Pareng Benjie. Ito ang paniwala ng bawat nakakakilala sa kanya. Umakyat sa ulo niya ang papuring ito kaya malakas ang loob niya sa pagkanta sa mga lamayan sa patay. Sumasali rin siya sa mga ‘amateur singing contest’. At tumutugtog siya ng ‘organ’ sa koro ng aming simbahan. Doon niya nasilo ang kanyang asawang si Jona na isang kantora.
Sa aking pagkakaupo sa ikatlong hilera ng mga upuan sa simbahan, nagbabalik sa aking gunita ang pinagsamahan namin ni Pareng Benjie. Ang pagda-‘drop-out’ niya sa ‘Mapua’ dahil sa maraming singkong kanyang natanggap. Ang masalimuot niyang pamumuhay. Ang kanyang pakwando-kwandong trabaho sa Fil-Oil, Phil Glass, at iba pa; ang pagiging bisor niya sa Gawad Linis-Bayan noong panahon ni Madam Imelda, ang pamumulitika niya kapag may halalan sa aming barangay. At sa bawat anyaya ng pagkakataon, ang pagka-sugapa niya sa alak na lalong lumala nang mag-OFW si Jona sa Canada..
“Narito po tayo ngayong hapong ito upang ating sama-samang gunitain at ipagdiwang ang naging buhay ni Kuya Benjie,” panimula ng ‘eulogy’ ng kapatid na bunsong babae ni Pareng Benjie. At sa pagitan ng mga hikbi ay isa-isa niyang isinalaysay ang mga mapagkawang-gawang tulong na nagawa ni Pareng Benjie sa lipunang kanyang ginagalawan. “Ang kanyang kabaitan, ang kanyang pagka-maalalahanin, ang kanyang kasipagan, ang kanyang pagkamaginoo – siya’y tunay na modelo ng ating lipunan, isang maningning na sinagtala ng mga kabataan sa pagtahak sa tuwid na landas ng buhay”. At kasunod nito ay maririnig ang kanyang impit na hikbi at singhot. Parang pinitpit na luya ang mga tao sa simbahan. Nakapamulagat sila ngunit halatang nakikisimpatiya sa malungkot na eksenang nagaganap.
“Kuya Benjie”, sabay lingon sa ataul na nakatanghal sa unahan ng simbahan, “mami-‘miss’ ka namin. Mami-‘miss’ din namin ang iyong musika, ang iyong mala-henyong kaalaman sa musika, ang iyong walang kapagalang pagpapadama sa amin ng kaluluwa’t puso ng musika. Paalam, Kuya Benjie.”
At natapos ang ‘eulogy’. Namamalikmata ako at napapailing sa aking nasasaksihan. Diyata’t ang isang tao kapag pumanaw na ay kasama ring pumapanaw ang kanyang mga masasamang ugali. Ang nakikita na lamang ay ang maliit na kagandahan ng pagkatao na nagiging kapuna-puna dahil pinalaki itong tila isang lobo. Marahil ay nag-aalumpihit si Pareng Benjie sa kanyang ataul sa papuring kanyang tinanggap. At marahil din ang Diyos ay nangingiti sa nakabubusog ng pusong talumpati na narinig Niya sa loob ng simbahan.
RELATED STORIES
LATEST HEADLINES
COMMUNITY NEWS
Canadian Immigration Policy and Filipino-Canadians: Political Complexity, Multiple Objectives, and Rationality Beyond Community Self-InterestPINOY STORIES
Quality education assured with SC ruling on K to 12PINOY SPIRIT
HAVE YOUR SAY
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.PROMOTIONAL BLOCK
Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit, dolor sit ipsum.TRAVEL NEWS
PINOY TOONS
Tags
Archives